HINDI naiwan sa laylayan ang mga lisensyadong atleta at workforce ng professional sports na nasa pangangasiwa ng Games and Amusement Board (GAB) sa gitna ng krisis dulot ng COVID-19 at instrumento sa ayuda si Senator Bong Go.
Abot-langit ang pasasalamat ng GAB – ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa pro sports sa bansa – na binubuo nina Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at Commissioners Ed Trinidad at Mar Masanguid, sa walang humpay na suporta ni Senator Go, Chairman ng Senate Committee on Sports, sa atletang Pinoy, kabilang ang mga professional boxers, MMA at Muay thai fighters, trainers, at matchmakers.
Sa pangangasiwani Go, nakipagtambalan ang GAB sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ni Undersecretary for Operations Atty. Aimee Neri- Torrefranca para maisama sa mabibigyan ng tulong pinansiyal ang may 1, 524 combat sports athletes.
Ayon kay Mitra, nakabantay at nagbibigay ng tulong sa atleta si Senator Go, kahit hindi pa dumaranas sa krisis ang bansa dulot ng mapamuksang COVID-19.
Sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ), kabilang ang sector ng sports sa lubhang naapektuhan, higit yaong mga boxers at MMA fighters na nakabase sa kani-kanilang gym at kumikita lamang kung may nakatakdang laban.
Sa tulong ni Go, naisaayos ng GAB sa DSWD na mapabilang ang mga atleta sa pinagkakalooban ng tulong pinansiyal na tulad nang ipinapatupad sa Social Amelioration program.
Sa unang sulat ng GAB, tanging ang may 1,000 lisensyadong individual sa Boxing and other Contact Sports Division ang hiniling na mapabilang sa programa, ngunit sa huli’y naaprubahan din na mapasama ang iba pang combat sports pro athletes.
Napabilang ang combat sports pro athletes sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AISCS) Program, hiwalay na programa ng DSWD na nakatuon lamang sa indibidwal o pamilya na hindi kabilang sa iba pang programa ng pamahalaan. Nakatakda silang makatanggap ng P5,000 financial assistance.
Ikinalugod ng GAB ang pang-unawa at suporta na ibinigay nina DSWD Secretary Rolando Bautista, Usec. Torrefranca at DSWD employees sa pagtugon sa pangangailangan ng atletang Pinoy.
“Sobrang nagpapasalamat po kami na naisama sa DSWD‘s AICS Program ang aming mga atleta. Napakalaking tulong po ito. Patuloy po ang aming pakikipagtulungan sa DSWD upang mapabilis na ang pamamahagi ng ayuda sa ating mga atleta,” pahayag ni Mitra.
Nasa proseso na ang ayuda at hinihintay na lamang ng GAB ang ayuda para maipamahagi sa mga atleta. EDWIN ROLLON