Pinaplantsa na ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Pasay ang nakatakdang paglulunsad ng rolling stores sa mga barangay sa lungsod upang maiwasan ang paglabas-labas ng mga residente sa kani-kanilang lugar sa kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019.
Katuwang ng Pasay government ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pag-arangkada ng rolling stores sa buong lungsod.
Nabatid na nasa 201 barangay ang bumubuo sa Pasay City.
Kamakalawa nagtayo ang lokal na pamahalaan ng dalawang isolation unit na may modular tents na gagamitin ng mga “persons under investigation (PUIs)” na matutukoy ng Pasay City General Hospital (PCGH) kung saan dito tuluy-tuloy na oobserbahan at maaalagaan ng mga doktor at nurse.
Ayon kay Mayor Emi Calixto-Rubiano, ang isang isolation unit ay nasa Pasay City Sports Complex, habang nasa Padre Burgos Elementary School naman ang isa pa.
“Handa ang Pasay city government na alagaan ang mga PUIs batay sa pag-identify sa kanila ng PCGH,” ani Rubiano.
Ang isolation unit sa sports complex sa kasalukuyan ay kakayaning maglaman ng 24 pasyente, habang siyam na pasyente naman ang maaaring tanggapin sa P. Burgos school.
Nakahanda umano ang Pasay City Disaster and Risk Reduction Management Office (PCDRRMO) na magtayo pa ng karagdagang isolation units kung kakailanganin depende sa bilang ng PUIs.
Inihayag ng alkalde base sa datos ng City Health Office na umabot na sa pitong confirmed cases ng COVID-19, 41 PUMs, at 38 PUIs sa Pasay.
“Ang aming strict surveillance at mga dumating na karagdagang monitoring kits ay nakatulong sa aming city health office na ma-verify ang mga kasong ito,” dugtong ng alkalde.
Pinaalalahanan muli ni Rubiano ang publiko na habang umiiral ang quarantine ay dapat manatili sa loob na mga bahay kung wala namang importanteng pupuntahan, sundin ang curfew hours, at tiyakin ang physical distancing.
“Umaasa ako na ang mga hakbanging ito ay malaki ang maitutulong upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19. Makiisa po sana ang bawa’t isa. Tandaan natin, Bawal ang pasaway sa Pasay,” diin nito.
-Bella Gamotea