Isang kongresista ang nagpositibo sa nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang kinumpirma ng dalawa ring mambabatas na nagsabing ipinadala na ng Secretary General ang impormasyon sa lahat ng miyembro ng House of Representatives at mga kawani nito.
Hindi muna isinapubliko ang pagkakakilanlan ng kongresista hangga’t hindi pa nakukumpirma ng pamunuan ng lehislatura.
Ayon sa isang reliable source, ibinahagi na nito sa mga mamamahayag na nakatalaga sa lugar ang mensahe ng secretary general.
“We were advised that the sample earlier screened was re-tested. Same result: Positive.The sample will be brought to RITM for final testing and official confirmation. (He was in Baguio when he was screened.),” ang nilalaman ng mensahe na umano’y ipinadala Office of Secretary General na pinamumunuan ni Jose Luis Montales.
Ang nasabing kongresista ay ikatlo na sa mababang kapulungan na nahahawaan ng virus. Isa sa mga pasyente na isang staff ng kongresista ang namatay na kahapon.
Binanggit din sa mensahe na nililimitahan na nila ang galaw ng nasabing kongresista dahil marami na itong nakasalamuha bago pa ito matuklasang nahawaan ng virus.
Binanggit na nakasalamuha ng kongresista ang mga empleyado ng TESDA-Bulacan sa isang pagpupulong sa opisina nito, gayundin ang pagpupulong ng technical working group kaugnay ng cooperative development noong Marso 4.
Dumalo rin ang mambabatas sa papupulong ng Committees on Agriculture and Food and Local Government at sa pagdinig ng Committee on Banks and Financial Intermediaries, noong Marso 9.
Nakita rin itong dumalo sa executive session ng Committe on Ways and Means na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte-Salceda.
Marso 10, nakibahagi rin ito sa magkakahiwalay na pagpupulong ng Committee on Suffrage and Electoral Reforms and the Committee on MSMEs.
“It will take days before we can get the confirmation from RITM,” said the message from the office of Montales.
Pinayuhan din ang mga nakasalamuha nito na sumailalim sa self-quarantine sa loob ng 14 araw.
2 PINOY SA SG, TINAMAAN
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamamagitan ng kanyang Embahada ng Pilipinas sa Singapore na may nadagdag na dalawang Pilipino ang nagpositibo sa COVID-19 sa Singapore, kamakalawa.
Ayon sa DFA nasa kabuuang 13 Pinoy na ang nagpositibo sa naturang virus sa Singapore.
Batay sa impormasyon mula sa Singaporean Ministry of Health (MOH), na naka-confine na sa mga pagamutan ang 12th at 13th Pinoy na nakumpirmang tinamaan ng COVID-19.
Samantala, sinabi naman ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait na isang overseas Filipino worker (OFW) ang tiinamaan ng COVID-19 sa Kuwait.
Ito ang kauna-unahang kaso ng pagkakasangkot ng Pinoy sa Middle Eastern country,ayon kay DFA Undersecretary Dodo Dulay.
“Detailes to follow once released by Kuwaiti authorities,” dugtong nito.
Sinabi pa ni Dulay na iniulat din ng Southen Korean Center for Combat and Prevention na isang Pinoy ang nagpositibo ng COVID-19 sa South Korea.
PINOY SA HK, MAY COVID-19 DIN
Kinumpirma naman ng Philippine Consulate sa Hong Kong na isa pang Pinoy ang nahawaan ng virus.
Gayunman, pinalabas na umano ito sa ospital kahapon matapos na gumaling sa kanyang sakit.
“Good news!” pahahayag ng konsulado kaugnay ng sitwasyon ng Pinoy worker.
Binanggit ng konsulado na isa na lamang pasyenteng may COVID-19 ang nananatili pa rin sa ospital.
MAYOR, KONSEHAL ‘DI NAKALIGTAS
Dinapuan din ng nasabing sakit si Caba, La Union Mayor Philip Crispino at asawang konsehal na si Donna Crispino.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH)-Region 1 batay na rin sa isinagawang pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine RITM, nitong nakaraang Biyernes.
“The two laboratory results of cases from Caba town were received by the DOH-1, The tests were confirmed positive by the RITM,” ayon kay Medical Officer IV Rheuel Bobis, na siya ring COVID-19 focal person ng DOH Region 1.
Matapos makuha ang resulta ng pagsusuri, kaagad na isinapubliko ng konsehal ang kanilang health status, sa tulong ng social media.
“It is with great sadness that we publicly announce that we are positive of the corona virus disease 2019 (COVID-19) per DOH-RITM results as relayed by the DOH Center for Health Region 1. We are doing this to give you the right information coming right from us, to stop rumors and fake news for the good of our municipality,” ayon sa pahayag ng misis ni Crispino.
“We practiced self-protection measures but still we got contaminated with minor symptoms. This shows how easily the virus is spread,” aniya pa.
AUSTRALIAN NA-VIRUS DIN
Sa Palawan, kinumpirma naman ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron ang unang kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Ito ay nang ihayag ng alkalde na isang lalaking Australian ang natuklasang positibo sa virus matapos lumabas sa isang public hospital sa lalawigan.
Dumating aniya sa lungsod ang dayuhan noong Marso 7 at nagtungo sa Port Bayron.
Nitong Marso 13, isinugod ito sa ospital matapos lagnatin at nitong Marso 15 ay nagpunta ito sa Puerto Princesa City International Airport upang bumiyahe patungong Clark.
Gayunman, hindi ito nakaalis.
Kinabukasan, nag-check in ito sa Hue Hotel hanggang sa makaalis ng bansa patungong Australia, sakay ng AirSwift noong Marso 17.
“On March 13 he got sick, he ask medical assistance but he picked up from Barton to Puerto Princesa City. Samples was collected on March 14 and the next day he was discharged because he already ok stable condition but will do self quarantine. On 17, he fly out to Clark,” paliwanag ng alkalde.
Sa kasalukuyan aniya, nagsasagawa na sila ng contact tracing upang maiwasan ang posibleng paglaganap ng COVID-19.
“We are currently conducting a contact tracing. Everyone should be in their home. Take care of themeselves. We are currently facing a serious problem,” aniya.
PAGSUSURI, PINALAWAK
Higit pang pinalalawak ng DOH ang kanilang kakayahan sa pagsusuri ng mga taong hinihinalang dinapuan ng virus
bilang bahagi ng kanilang istratehiya upang tuluyang masugpo ang naturang karamdaman na kumakalat sa bansa.
Ayon sa DOH, sa ngayon ay mayroon na silang mga sub national laboratories na nag-o-operate, katuwang ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Kabilang umano dito ang San Lazaro Hospital at Baguio General Hospital and Medical Center para sa Luzon; Vicente Sotto Medical Center para sa Visayas; At Southern Philippines Medical Center para sa Mindanao, na kayang magproseso ng 50-300 tests araw-araw.
May dalawa pa umanong karagdagang laboratoryo ang inihahanda nila, kabilang dito ang Western Visayas Medical Center at Bicol Public Health Laboratory, na sasailalim muna sa proficiency testing ng isang linggo, bago tuluyang magsagawa ng pagsusuri.
Ang University of the Philippines- National Institutes of Health bilang extension lab ay minobilize na rin at kasalukuyan nang nagsusuri ng mga samples na hindi na kayang suriin ng RITM.
Tiniyak na rin umano ng World Health Organization (WHO) at ng RITM na aayudahan nila ang DOH para i-assess ang lima pang molecular biology laboratories sa mga private tertiary hospitals upang maging posibleng extension labs simula sa Marso 21.
Kabilang dito ang St. Luke’s Medical Center- Global City, Makati Medical Center, The Medical City, St. Luke’s Medical Center- Quezon City, at Chinese General Hospital.
PH, INAYUDAHAN NG CHINA
Itinurn-over naman ni Chinese Ambassador Huang Xi Lian ang mga tulong ng Chinese government sa Pilipinas kasama na rito ang medical supplies tulad ng fast-test kits, surgical masks, N95 masks, at personal protective equipment (PPE).
Ayon sa DFA,kabilang sa natanggap na tulong ng pamahalaan ng Pilipinas mula sa China ang 100,000 na set test kits;10,000 pirasong N-95 mask;100,000 pirasong surgical face mask at 10,000 pirasong PPE na white zippered at non-woven fabrics.
Nagpasalamat ang Pilipinas sa ipinaabot na tulong ng China.
Ang mga nasabing ayuda ay partikular na gagamitin ng mga frontliners para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
-Nina BEN ROSARIO, BERT DE GUZMAN, MARY ANN SANTIAGO, BELLA GAMOTEA, ROY MABASA, JUN FABON, at AIRA GENESA MAGDAYAO