BILANG bahagi ng pag-iingat dahil sa paglaganap ng novel coronavirus (COVID-19) iniurong na rin ng Asian Volleyball Confederation (AVC) ang nakatakdang pagdaraos ng 2020 Asian Men’s Club Volleyball Championship sa susunod na buwan (Abril).

Ginawa ang pagpapaliban matapos ang kahilingan ng sport’s governing body ng Thailand na i-postpone ang torneo na nakatakda sa Abril 18 - 25 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Kaugnay nito maghihintay pa ang Philippine Men’s National Volleyball Team hanggang ikalawang linggo ng Agosto kung kailan ini-reschedule ang kompetisyon.

Base sa naging desisyon ng pamunuan ng AVC, idaraos ang torneo sa Agosto 10-17.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Binubuo ng mga manlalarong nagtala ng history noong nakaraang 30th Southeast Asian Games, makakatunggali ng mga Pinoy ang 14 pang koponan mula sa rehiyon ng Asia.

Kabilang sa mga kalahok ang dalawang koponan mula sa host Thailand, at tig-isang koponan mula Australia, Hong Kong, Iran, Vietnam, Korea, Japan, Chinese Taipei, Kazakhstan, Qatar, Sri Lanka, China at Uzbekistan.

-Marivic Awitan