Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 n.h. -- TNT vs Phoenix Super LPG
7:00 n.h. -- NLEX vs Northport
APAT na koponan ang magtatangkang magtala ng unang tagumpay upang makahanay ng opening day winner at defending 5-time champion San Miguel Beer sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2020 PBA Philippine Cup ngayong araw na ito sa Araneta Coliseum.
Unang pares na mag-uunahang makapagtala ng panalo ang isa sa mga itinalagang paborito na TNT Katropa at Phoenix Super LPG sa kanilang pagtutuos sa pambungad na laro ganap na 4:30 ng hapon.
Kasunod naman nila na magtutuos sa tampok na laban ganap na 7:00 ng gabi ang NLEX at Northport.
Matapos makuha sa NLEX ang big man na si Poy Erram, buo na ang starting five ng Katropa na pawang mga Gilas players na kinabibilangan ni Erram, Jayson Castro, RR Pogoy, Troy Rosario at ang kari-renew pa lamang ng kontrata na si Ray Parks Jr. na syang dahilan kung bakit sila itinalagang isa sa mga contenders.
Unang susubok sa tikas ng Katropa ang Super LPG na problemado naman sa kanilang gitna gaya ng ibang koponan dahil kagagaling pa lamang sa operasyon ng kanilang mga big men na sina Dave Marcelo at Jake Pascual tatlong linggo bago ang opening ng season.
Dahil dito, sasandig si coach Louie Alas kina Justine Chua, Jason Perkins at bagong recruit pero beterano na ring si Jay-R Reyes para tumao sa kanilang frontcourt.
Bukod dito, hinihintay din nila ang pagbabalik mula sa indefinite suspension ni Calvin Abueva.
Sa tampok na laban, nalagasan sa gitna sa pagkawala ni Erram, sisikapin ng Road Warriors na maituloy ang magandang performance na ipinakita nila sa nakaraang pre-season tournament.
Inaasahang mamumuno sa tropa ni coach Yeng Guiao si Gilas standout Kiefer Ravena at ang nagbabalik mula sa injury na si Kevin Alas.
Para naman sa Batang Pier, sila ang itinalagang “dark horse” sa pamumuno ng nakaraang Governors Cup Best Player na si Christian Standhardinger na inaasahang magsisimula para sa una niyang buong season para sa koponan.
-Marivic Awitan