INANGKIN ng Ateneo de Manila ang ikalawang sunod na Philippine Collegiate Champions League title matapos pataubin ang San Beda University, 57-46, nitong Linggo sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Naiwan ng isa papasok ng huling bahagi ng fourth canto, naglatag ng 10-0 run ang Blue Eagles sa pangunguna nina SJ Belangel at Ange Kouame upang maitayo ang 55-46 bentahe, may natitira na lamang dalawang minuto sa laro.
Itinala naman ni Will Navarro ang huling dalawang puntos ng laro upang ganap na selyuhan ang kanilang panalo.
“It’s a reflection on how we work — the consistency of the work of the boys, the coaching staff and the management. If one’s not performing well, it won’t happen even at this early in the season,” ani Ateneo assistant coach Gabby Severino.
Nanguna si Kouame sa naturang panalo sa ipinoste nitong double-double na 17 puntos at 17 ring rebounds. Sinundan sya ni Troy Mallillin na may 11 puntos at 5 rebounds.
Si Belangel na isinalansan ang kanyang kabuuang 10 puntos na output sa fourth period ang napiling Finals MVP.
Sa kabilang dako, nanguna naman si Calvin Oftana sa nabigong San Beda sa iniskor nyang 14 puntos, 6 rebounds at 2 steals.
Kasama ni Belangel na nahirang sina Kouame, Oftana, at Penuela sa Mythical Five gayundin si Lassina Coulibaly ng University of the Visayas.
-Marivic Awitan