TUMAAS ang tsansa nina 30th Southeast Asian Games gold winner Jamie Lim at Joane Orbon na makahirit ng slots sa 2020 Tokyo Olympics sa impresibong kampanya sa katatapos na Karate Premier League Kharkiv Open sa Ukraine.
Nangibabaw si Lim, anak ni PBA legend Samboy Lim at dating PAGIBIG chairman Darlene Berberabe, sa -68 kilogram division, habang nagwagi si Orbon sa -61 kilogram category.
Ayon kay Karate Pilipinas Inc. president Richard Lim , ang torneo ay qualifying tournament para sa Tokyo Olympics.
Bukod sa pagsabak sa torneo, nasa Ukraine ang ilang miyembro ng Philippine Team, kabilang ang isa pang bemedalled karateka na si Junna Tsukii, upang magsanay at maghansa para sa pagsabak sa iba pang OQT event.
Sa kasalukuyan, kailangan na lamang ng Fil-Japanese na si Tsukii ang ilang puntos sa world ranking upang magkwalipika sa Olympics na nakatakda sa Agosto ngayong taon.