DALAWA pang outstanding Filipino athletes sa katauhan nina Stephan Schrock at Bianca Pagdanganan ang nakatakdang tumanggap ng special awards mula sa Philippine Sportswriters Association (PSA).

Pararangalan si Schrock bilang Mr. Football, habang si Pagdanganan ang magiging unang gagawaran bilang Ms. Golf sa darating na SMC-PSA Annual Awards gala night sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Humanay ang 33-anyos na si Schrock at 22-anyos na si Pagdanganan, 22, kina Ms. and Mr. Volleyball Sisi Rondina at Bryan Bagunas, Ms. and Mr. Basketball Jack Animam and Thirdy Ravena at Coach of the Year Pat Aquino sa gagawaran ng special awards sa pinakamatandang media organization ng bansa sa event na inihahatid ng Philippine Sports Commission, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association, AirAsia, at Rain or Shine.

Ang 30th Southeast Asian Games overall titlist Team Philippines ang tatanggap ng prestihiyosong Athlete of the Year award.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Bahagi si Pagdanganan ng nasabing tagumpay ng mga Pinoy sa SEA Games matapos pangunahan ang 2-gold harvest ng bansa sa golf makaraang magwagi sa women’s individual event at sa women’s team event katuwang si Lois Kaye Go.

Nagwagi ng 2018 PSA Athlete of the Year kasama ng mga kapwa golfers na sina Go at Yuka Saso, Hidilyn Diaz, at Margielyn Didal, nagwagi din si Pagdanganan sa Hawkeye El Tigre Invitational sa Mexico sa nakalipas na taon.

Ito naman ang ikalawang pagkakataon ni Schrock na tatanggap ng Mr. Football award matapos gawaran noong 2013.

Ang veteran midfielder ng Ceres Negros ang nagsilbing lider ng Philippine Azkals bilang team captain sa nakaraang SEA Games.

Nagwagi rin ang Fil-German player ng AFF Best XI Award sa AFF Awards na idinaos sa Hanoi, Vietnam.

Pinangunahan din niya ang Ceres-Negros sa kanilang ikatlong Football League title at sa ASEAN Zonal semifinals ng AFC Cup.

-Marivic Awitan