Pansamantalang isinara ang isang resort sa Dipaculao, Aurora kung saan nalunod ang dalawang Ateneo Blue Eagles basketball players na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili noong Lunes, Hunyo 8, 2026.
Matatandaang opisyal na inanunsyo ng Ateneo de Manila University noon ding Lunes ang pagpanaw ng dalawang miyembro sa kanilang Men’s Basketball team na sina Baterbonia at Adili sanhi umano ng pagkalunod sa isinagawang team building ng kanilang kupunan sa Dipaculao, Aurora.
KAUGNAY NA BALITA: 'Is it just a team building?' Netizens, umalma sa pagkalunod nina Baterbonia at Adili!
Sa ulat ng Manila Bulletin, Isang temporary closure order ang inilabas para sa Hermanos Leisure and Farm Resort kasunod ng direktiba ni Mayor Danilo A. Tolentino na masagawa ng komprehensibong imbestigasyon sa nangyaring insidenteng pagkalunod, upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at turista sa mga pasyalan sa munisipalidad.
Nagsasagawa ng masusing pagsusuri operasyon at mga safety measure sa resort ang isang composite inspection team na binubuo ng mga kinatawan mula sa Business Permits and Licensing Office (BPLO), Municipal Tourism Office (MTO), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Philippine Coast Guard (PCG)
Napag-alaman sa isinagawang assessment na nabigo umano ang resort na sumunod sa ilang mahahalagang probisyon at safety requirements na nakasaad sa Sangguniang Bayan Ordinance No. 2025-12, na naglalayong itaguyod ang kaligtasan sa mga dalampasigan at mga tourism-related establishment sa loob ng Dipaculao.
Ayon sa mga opisyal, bahagi ang Temporary Closure Order sa mas malawak na hakbang upang mahigpit na ipatupad ang umiiral na mga regulasyon at matiyak na ang mga tourism establishment ay nagpapanatili ng kinakailangang safety standards upang maprotektahan ang mga turista, lalo na sa mga aktibidad na may kaugnayan sa tubig.
Nakiramay ang municipal government sa mga pamilya, kaibigan, teammates, at mga mahal sa buhay ng dalawang student-athlete.
Nangako ang mga awtoridad na paiigtingin ang pagbabantay sa kaligtasan at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang makatulong na maiwasan ang kaparehong trahedya sa hinaharap.