July 17, 2026

Home BALITA National

Sen. Robin Padilla iginiit ang ROTC, disaster preparedness training kasunod ng lindol sa Mindanao

Sen. Robin Padilla iginiit ang ROTC, disaster preparedness training kasunod ng lindol sa Mindanao
Courtesy: Robin Padilla/FB, MB file photo

Muling iginiit ni Senador Robin Padilla ang pagsusulong sa pagpasa ng Senate Bill No. 617 or the proposed Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act nitong Biyernes, Hunyo 12, sa paggunita ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Ayon kay Padilla, ipinakita ng naganap na magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao ang pangangailangan para sa agarang pagpasa ng naturang panukala.

Dagdag pa niya, na layunin ng naturang panukala na hubugin ang henerasyon na maging disiplinado, makabayan, at handang maglingkod na kayang tumugon sa lumalaking hamon sa seguridad at pagtugon sa mga sakuna ng bansa.

“Ngayong Araw ng Kalayaan, binibigyang-pugay natin ang sakripisyo ng ating mga bayani sa pamamagitan ng patuloy na pagtatayo ng isang bansang matatag, nagkakaisa, at handang humarap sa anumang pagsubok,” saad ni Padilla na kasalukuyang nasa Sarangani upang magbigay tulong sa mga nabiktima ng lindol. 

“Ang trahedyang nangyari sa General Santos at mga karatig-lugar ay nagpapaalala sa atin na ang seguridad ng bansa ay hindi lamang tungkol sa mga banta mula sa labas. Kapag dumating ang kalamidad, kailangan natin ng mga mamamayang disiplinado, organisado, at may sapat na pagsasanay upang makatulong sa paglikas, pagbibigay ng paunang lunas, search and rescue, at pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan," dagdag pa niya. 

National

Ombudsman Remulla kay Sen. Padilla: 'He chooses to ignore the Ombudsman, so be it!'

Layunin ng SB No. 617 na gawing institusyonal at palakasin ang ROTC program sa mga Higher Education Institutions (HEIs) at Technical-Vocational Institutions (TVIs) sa buong bansa.

Partikular na nakapaloob sa panukala ang pagsasanay sa survival skills, disaster response operations, search-and-rescue missions, relief operations, at iba pang kakayahang kailangan sa panahon ng kalamidad at humanitarian emergencies.

Sinabi ni Padilla na ang panukala ay hindi lamang isang military training program kundi isang hakbang sa pagbuo ng bansa upang makalikha ng mga responsableng mamamayang handang tumulong sa kanilang komunidad sa oras ng pangangailangan.

“Sa panahon ng sakuna, bawat minuto ay mahalaga. Bawat taong may sapat na kaalaman sa first aid, search and rescue, disaster response, at pagpapanatili ng kaayusan ay maaaring maging dahilan upang may isang buhay na mailigtas. Kaya para sa akin, ang ROTC Act ay hindi lamang usapin ng pambansang depensa. Isa itong batas para sa paghuhubog ng mamamayan at pagliligtas ng buhay.”