July 12, 2026

Home SPORTS

Aqua training, dapat sa swimming pool hindi sa dagat!'—batikang coach

Aqua training, dapat sa swimming pool hindi sa dagat!'—batikang coach
Photo courtesy: Pexels

Ipinaliwanag ng batikang coach at sports enthusiast na si Coach Yeng Guiao na talagang may "aqua training" ang mga atleta, subalit dapat itong gawin sa isang "controlled area" o swimming pool at hindi sa isang open water kagaya ng dagat.

Sa panayam sa coach sa programang "Failon Ngayon" ng TV5 nitong Huwebes, Hunyo 11, natanong ni Ted Failon si Guiao kung bakit isinasagawa ang aqua training, at ano bang muscles ang dine-develop nito sa mga atleta.

Nabuksan ang usapin tungkol dito dahil sa pagkalunod at pagkamatay ng dalawang student athletes ng Ateneo Blue Eagles na sina Rene Baterbonia at Divine Adili noong Lunes, Hunyo 8, sa kanilang team-building activity at training sa isang beach sa Baler, Aurora.

Maki-Balita: 'Akala ko training lang, hindi military training!'—Ina ni Rene Baterbonia

Maki-Balita: Bukod kina Rene at Divine: 2 pa, muntik na ring malunod—Aurora Police

'Kaso o settlement?' 40 days ni Rene, palilipasin muna bago magdesisyon pamilya niya—Torreon

Ayon sa coach, ginagawa nila ang training kapag off season. Malaking tulong daw ang aqua training para sa mga nag-babasketball dahil nate-train daw ang muscle balance gayundin ang maliliit na muscles para maiwasan ang injuries.

"Yung ibang mga muscles mo na hindi mo na nagagamit, kasi ibang set of muscle ang ginagamit mo for basketball, pag nate-train mo yung ibang set of muscle mo, lumalakas ka. Overall, it prevents injuries," paliwanag ng coach.

Aniya pa, nakakatulong daw kasi ang buoyancy ng tubig para sa mga bahagi ng katawang may injury na para hindi masyadong mabugbog ang katawan ng atleta sa training dahil sa low impact.

Pero giit ng coach, kailangan daw itong gawin sa closed o controlled areas kagaya ng swimming pool, at hindi sa open water kagaya ng karagatan.

"It should be in a controlled environment, it should not be in open sea," paliwanag pa ng coach.

Natanong naman ni Failon si Coach Guia kung talaga bang dapat gawin ang training na nilalagyan ng weight ang ankle o magkabilang bisig habang binabaybay ang tubig.

Paliwanag naman ng coach na masyado na raw itong advance. Isa pa, hindi raw nila ito ginagawa dahil masyado na raw itong delikado.

Nabanggit naman ng coach na hindi naman daw totoo ang mga kumakalat na bali-balitang nilagyan pa ng weights ang mga atleta ng Ateneo sa kanilang training.

"I don't think nangyari po yun, o meron pang ginawa, na nilagyan sila ng weight sa paa o sa kamay," aniya pa.