Inilahad sa publiko ni Aurora Provincial Director PCol. Percival Pineda na may dalawa pa raw, bukod kina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili, ang napag-alaman nilang muntik nang malunod sa isinagawa nilang team building sa Aurora noong hapon ng Lunes, Hunyo 8, 2026.
Matatandaang opisyal na inanunsyo ng Ateneo de Manila University noon ding Lunes ang pagpanaw ng dalawang miyembro sa kanilang Men’s Basketball team na sina Baterbonia at Adili sanhi umano ng pagkalunod sa isinagawang team building ng kanilang kupunan sa Dipaculao, Aurora.
KAUGNAY NA BALITA: 'Is it just a team building?' Netizens, umalma sa pagkalunod nina Baterbonia at Adili!
Sa naging panayam ng isang TV station kay Pineda noong Martes, Hunyo 9, sinabi niyang nagawa raw makabalik ng dalawa pang nalunod sa nasabing koponan habang tuluyang natangay ng alon sina Baterbonia at Adili.
“Actually po, apat ‘yong allegedly nalunod pero po ‘yong dalawa ay nakabalik tapos po ‘yong dalawa ay nawala,” pagsisimula niya.
Ani Pineda, may lifeguard naman daw na agad nakaresponde sa naturang insidente gamit ang surfboard nito.
“‘Yong lifeguard, nandoon po siya agad. Meron po siyang ginagamit na surfboard. ‘Yon po ‘yong pang-rescue niya, nandoon po siya kaagad,” aniya.
Paglilinaw ni Pineda, wala raw silang nalikom na impormasyon mula sa kinausap nilang testigo na may suot na ankle weights ang mga manlalaro habang nasa ilalim ng training at nasa gitna ng dagat.
“Base po sa statement ng ating mga nakausap, wala pong nakita any [ankle weights],” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, nasa Arlington Memorial Chapels and Crematory sa Quezon City, Metro Manila, na ang mga labi ni Baterbonia habang inaasikaso umano ng kaniyang pamilya ang pagbabalik niya sa Talacogon, Agusan del Sur.
Nasa nabanggit na chapel din ang mga labi ni Adili habang umaapela ang kaniyang pamilya na ilipad siya pabalik sa bansang Nigeria.
KAUGNAY NA BALITA: Nalunod na pangarap: Huling pangako ni Rene Baterbonia, 'Iaahon ko ang aking pamilya sa kahirapan!'