July 23, 2026

Home FEATURES Trending

Pinay chef, itinanghal na ‘Top Chef’ season 23 winner; lugaw, kaldereta, ilan sa ibinida

Pinay chef, itinanghal na ‘Top Chef’ season 23 winner; lugaw, kaldereta, ilan sa ibinida
Photo courtesy: Rhoda Magbitang (IG)

Muling gumawa ng ingay sa international spotlight ang Pilipinas matapos makoronahan bilang Top Chef season 23 winner ang isang Hawaii-based Pinay Chef na si Rhoda Magbitang. 

Ibinida ni Magbitang ang kaniyang lutong “Roasted sweet potato with miso butter and uni” na sinundan ng “Abalone lugaw” na aniya sa panayam sa American publication na “Food & Wine,” ay kalimitang iniluluto ng kaniyang ina para sa kaniya tuwing may sakit siya. 

Sumunod ang “Tortang Talong” na kinakain siya simula pagkabata, at ang “Kaldereta” na iniluluto ng kaniyang ama tuwing kapaskuhan. 

Bago nasungkit ang pagkapanalo, napadpad si Magbitang sa “Last Chance Kitchen.” pagdating ng ikalimang episode ng “Top Chef,” kung saan naglalaban-laban ang chefs bago tuluyang mapauwi. 

Dahil sa pagsisikap niyang magpatuloy sa cooking show, dahan-dahang bumalik ang kumpiyansa ni Magbitang sa sarili, na nakatulong upang makarating siya sa finale. 

Trending

‘Wag n'yo akong patayin!' Pakiusap ng isang rider, kinaantigan

“When I started feeling more comfortable and stopped being so marred with self-doubt, that’s when I was cooking my best,” ani Magbitang sa Food & Wine. 

Sa nasabi pang publication, ibinahagi ni Magbitang na mula Pilipinas, lumipad siya patungong California, USA, sa edad na 17, upang maging guro.

Dahil tinuturuan niya ang kaniyang mga estudyante gumawa ng mga simpleng merienda pagkatapos ng klase, napamahal siya sa pagluluto. 

Dito ay nagpasya si Magbitang na pumasok sa Le Cordon Bleu culinary school, na nagbukas ng mga oportunidad upang makapagluto siya sa ilang kilalang restaurant sa Los Angeles.

Taong 2024, lumipat si Magbitang sa Waimea, Hawaii, upang maging executive chef sa CanoeHouse, na isang Japanese-inspired restaurant sa Mauna Lani resort.