Buong puwersa ang pinakawalan ng Mighty Sports-Creative Pacific upang hatakin ang kumbinsidong 91-77 panalo kontra sa runner-up noong nakaraang taon na Beirut Sports Club sa pag-usad ng 31st Dubai International Basketball Championship kahapon sa Shabab Al Ahli Club sa United Arab Emirates.

Binalikat ng Fil-Am na si Mikey Williams ang koponan sa pamamagitan ng kanyang 11 sa 22 points sa arko upang ilagay sa top spot ang koponan sa kanilang Group B sa elims tangan ang kanilang malinis na 4-0 record.

Nagbigay din kanyang apat na assists ang 6’1 na si Williams kabilang din ang 4 na rebounds upang pangunahan ang Mighty Sports.

Dahil sa malinis na record ng nasabing koponan na suportado ng Go for Gold, Discovery Primea at Gatorade, sasabak ito sa knockout quarterfinals bukas kung saan kakalabanin nila ang No.4 team ng Group A.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

“Mikee once again proved he’s a streak shooter. He caught fire when we need it badly. Another good win for us,” pahayag naman ng coach na si Charles Tiu.

Kumbinsido din ang co-owner na si Alexander Wongchuking sa naging performance ni Williams sa nasabing laro.

“Everybody played well tonight, especially Mikee. He was simply hot,” ani Wongchuking.

Ang import na si Renaldo Balkman ay nag-ambag ng 20 puntos, apat na rebounds at dalawang assists habang si Andray Blatched naman ay may 12 puntos at 13-rebound na idinagdag.

Sinubukan na makabalik ng mga Lebanese sa laro ngunit nanatiling mahigpit ang kapit ng Mighty Sports sa kanilang kalamangan hanggang sa huling dalawang minuto ng laro 85-70.

AP