May 22, 2026

Home BALITA National

Ilang barko ng Pilipinas, nakadaan na sa Strait of Hormuz—DOE Sec. Garin

Ilang barko ng Pilipinas, nakadaan na sa Strait of Hormuz—DOE Sec. Garin
Photo courtesy: MB File Photo/Associated Press

Sinabi ni Department of Energy (DOE) Sec. Sharon Garin na ilang barkong rehistrado sa Pilipinas ang matagumpay nang nakapasok at nakapaglayag sa Strait of Hormuz kasunod ng napagkasunduang koordinasyon sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at Iran, sa isang online press briefing na isinagawa nitong Martes, Abril 7.

Ipinaliwanag ni Garin na bagama’t nakapasok na ang ilang sasakyang-pandagat, hindi pa ito nagdadala ng langis. Sa halip, kargado ng mga ito ang iba pang uri ng produkto, kabilang ang petrochemicals.

Binigyang-diin din ng kalihim ang kahalagahan ng komunikasyon ni Department of Foreign Affairs (DOF) Secretary Theresa Lazaro sa kinatawan ng Iran.

Maki-Balita: Pinoy seafarers, mga sasakyang pandagat ng Pinas, ligtas makadaan sa Strait of Hormuz—DFA

Aniya, hindi lamang ang mga barkong may bandilang Pilipino ang saklaw ng kasunduan, kundi maging ang mga produktong nakalaan para sa Pilipinas kahit hindi ito sakay ng mga barkong Pilipino. Saklaw din umano nito ang pagtiyak sa ligtas na paglalakbay ng mga Pilipinong tripulante at manggagawa sa mga naturang sasakyang-dagat.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Matatandaang kamakailan lamang, masayang ibinalita ng DFA na batay sa pakikipag-usap sa Iran, pinayagan ang mga barko mula sa Pilipinas na maglayag sa Strait of Hormuz.

Gayunman, nananatiling limitado ang paggalaw ng mga sasakyang-dagat sa lugar matapos isara ng Iran ang kipot sa halos lahat ng barko, kasunod ng tensyon dulot ng mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa nasabing bansa.