Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Marso 23, 2026 ang pormal na simula ng tag-init sa Pilipinas.
Dahil dito, magiging mas masigla ang turismo lalong lalo na sa mga paliguan o beach at resorts na madalas na pinupuntahan ng mga taong nais magtampisaw sa gitna ng mainit na panahon.
Idagdag pa ang bakasyon ng mga batang mag-aaral ngayong summer bilang pahinga sa kanilang pag-aaral sa elementarya at high school.
Ngunit dahil sa mga hindi maiiwasang mga selebrasyon at outing ngayong summer, ano-ano nga ba ang mga kulay ng damit o swimsuit na maaaring makapagsalba sa buhay ng mga bulilit sakali mang may hindi inaasahang mangyari sa mga ito sa kanilang paglalangoy sa dagat, ilog, o swimming pool?
Ayon sa naging pag-aaral ng Alive Solutions, isang organisasyong bihasa sa pagsusulong ng aquatic safety, training at risk assessment, ibinahagi nila ang mga dapat na kulay ng swimsuit na dapat bilhin at isuot ng mga bata sa paglalangoy.
Photo courtesy: Alive Solutions
Base sa resulta ng kanilang pag-aaral, higit na mas kita umano ang mga kulay na neon pink at neon orange sa tubig sa swimming pool habang tila hindi naman makita sa medyo may kalaliman na bahagi ng tubig sa pool ang mga kulay na white at light blue.
“Our bottom two colors are white and light blue (check out how they disappear) and our top choices would be neon pink and neon orange,” anila.
Dagdag pa nila, “Although the darker colors show up on a light pool bottom they can often be dismissed for a pile of leaves, dirt, or a shadow so I tend to stay away from those colors when possible. “
Bukod dito, pinag-aralan din ng Alive Solutions ang mga kulay na matingkad at madaling makita sa mga tubig sa lawa at ilog.
Photo courtesy: Alive Solutions
Base sa naging resulta ng naturang organisasyon, neon yellow, green, at orange ang tatlong pinakakitang kulay sa ilalim ng tubig sa mga ilog at lawa.
“Top Colors were Neon Yellow / Green / Orange (still think bright and contrasting!)” saad nila.
Paliwanag naman ng Alive Solutions, ipinakikita raw ng kanilang pag-aaral na ito ang kahalagahan ng pananatiling nakalutang ng mga naglalangoy sa dagat, lawa, ilog, at iba pa.
“This test also reinforced how important it is in lakes, beaches, rivers, and open water environments to keep people on the surface (with lifejackets),” ‘ika nila.
Pagpapaalala naman nila, maaari daw maiba pa ang resulta ng kanilang naging pag-aaral depende sa lugar na pupuntahan ng mga magbabakasyon.
Partikular sa usapin ng lake coloring, bottom coloring, visibility, water clarity, panahon, alon, at iba pa ng tubig.
Kung kaya at posible, mas maganda umanong kumuha ng swimming lessons para sa mga bata upang mas matiyak ang kaalaman ng mga ito sa paglalangoy at mahigpit na bantayan ang mga anak sa summer outing upang maiwasang malagay sa peligro ang buhay ng mga ito.