April 11, 2026

Home FEATURES Trending

ALAMIN: Mga ikinasang pagbabawal ng DILG sa mga lansangan at lokalidad

ALAMIN: Mga ikinasang pagbabawal ng DILG sa mga lansangan at lokalidad
Photo courtesy: Filre photo

Ikinasa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang iba’t ibang mga pagbabawal na karaniwang aktibidad sa lansangan at mga lokalidad sa bansa.

Ang mga nakagisnang gawain at tila normal at tipikal nang tanawin sa ilang mga lansangan, ay nakaamba nang tapatan ng ahensya ng mga parusa, para umano sa isang ligtas na komunidad.

Nitong Lunes, Abril 6, 2026, inihayag ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang mga mahigpit nilang tututukan sa Metro Manila hanggang sa mga karatig nitong lugar.

Paglalatag ng inuman sa kalsada

Ayon kay Remulla, mahigpit na nilang ipinagbabawal ang mga inuman sa kalye at gayundin ang pagse-set up pa raw ng mga lamesa at upuan sa kalye para lamang mag-inuman.

Trending

Ano ang Coachella at bakit big deal ito sa music industry?

“Meron tayong Anti-Public Intoxication Act. Bawal na ang mag-inom sa kalye. Bawal na ang maglatag ng mga silya at mga lamesa sa mga kalye at mag-inuman,” ani Remulla.

Hirit pa niya, “Sinasabihan ko ang lahat, pasensyahan tayo. Pag kayo mag-inuman sa kalye huhulihin namin kayo.”

Mga lalaking naka-topless sa lansangan

Diretsahan ding pinuna at ipinagbawal ni Remulla ang mga lalaking naka-topless sa kalye o hindi naman kaya ay naka-topless habang mga nakatambay lamang.

Paliwanag ni Remulla, marapat lang daw na magsuot ng damit ang isang lalaki kung pupunta ang mga ito sa mga tabing kalsada. 

“It is an act of civility na magbihis naman kayo habang nasa kalye kayo,” diin niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Magbihis naman kayo!' DILG, huhulihin na mga lalaking hubad sa kalye

Pag-videoke na lalampas ng 10:00pm 

Bagama’t palalampasin ang mga magvi-videoke tuwing may selebrasyon o fiestahan, mariing nilinaw ni Remulla na maaaring tumawag sa 911 ang sinumang naaabala ng mga videoke na lalampas sa 10:00pm sa mga araw na wala namang selebrasyon at ginawa na lang daw hobby ang pagkanta sa videoke sa lampas na oras ng pagpapahinga.

Mga menor de edad na lalabag sa curfew hours ng 10pm

Ibinida rin ng ahensya ang enhanced curfew ordinance na nagbabawal sa mga menor de edad na magpakalat-kalat sa lansangan na lampas sa itinadakdang curfew hours na 10:00 pm.

“Umuwi na kayo sa mga bahay n'yo. Yung mga rugby boys d'yan, yung mga geng geng d'yan, yung mga g*go sa kalye sa d'yan, magtago na kayo, umuwi na kayo. 'Pag 10 o'clock huhulihin namin kayo,” saad ni Remulla. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘Yung mga geng geng d’yan!’ DILG, huhulihin mga menor de edad na lalabag sa ‘curfew hours’

Maghahamon ng away sa gimikan

Nakahanda rin umanong tapatan ng mga awtoridad ang sinumang maghahamon ng away at gulo sa mga lugar na kadalasang dinadayo sa Metro Manila para magsiya at magkatuwaan.

“Gusto ko safe lahat ng mga taong lumalabas. Yung mga turista dapat safe din sila. Yung mga nagyayabang-yabang d'yan 'pag lasing, 'wag na kayong pumorma kasi huhulihin namin kayo. Marami d'yan kasi matapang lang kapag nakainom eh,” anang DILG Secretary.

KAUGNAY NA BALITA: 'Puntahan n'yo ko, anytime!' SILG Remulla, may mensahe sa mga naghahanap ng away

Sa huli, tiniyak at nilinaw din ni Remulla na ang mga nabanggit na pagbabawal ay pawang mga hakbang lang nila, katuwang ang hanay ng Philippine National Police (PNP), para sa isa umanong ligtas na lansangan sa Pilipinas.

“We will make the Philippines safer. This is the safer streets initiatives, makakaasa po kayo na ang krimen ay bababa,” saad pa niya.