May 22, 2026

Home BALITA

'Puntahan n'yo ko, anytime!' SILG Remulla, may mensahe sa mga naghahanap ng away

'Puntahan n'yo ko, anytime!' SILG Remulla, may mensahe sa mga naghahanap ng away

Nagpahaging si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa mga maghahamon umano ng away sa mga kalye, lalo na sa iba’t ibang gimikan sa Metro Manila.

Sa press briefing ng DILG nitong Lunes, Abril 6, 2026, tahasan siyang nagbabala sa mga lasing na maghahamon lang daw ng away sa lansangan.

“Wala nang lasing-lasing sa kalye at maghahanap ng away. Kung gusto n'yo ng away, puntahan n'yo ko, anytime. 'Di ba? Ready naman ako d'yan,” saad ni Remulla.

Hirit pa niya, “Pero tama na 'yan, tigil na d'yan yung naghahanap ng suntukan o ng away sa gitna ng mga gimikan dito sa Metro Manila.”

Ipapatupad na rin daw nila ang pagpapatrolya ng hanay ng kapulisan sa mga sikat na gimikan sa iba't ibang panig ng Metro Manila at karatig lugar, upang masiguro ang kaligtasan ng mga pumupunta rito at pati na rin ng ilang mga turistang nagnanais na gumimik.

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

“Gusto ko safe lahat ng mga taong lumalabas. Yung mga turista dapat safe din sila. Yung mga nagyayabang-yabang d'yan 'pag lasing, 'wag na kayong pumorma kasi huhulihin namin kayo. Marami d'yan kasi matapang lang kapag nakainom eh,” anang DILG Secretary.

Samantala, kaugnay ng pag-gimik sa gabi, inihayag din ni Remulla ang pagpapatupad ng curfew hours para sa mga menor de edad.

“Meron na tayong enhanced curfew ordinances para sa mga 18 years old and below. 'Pag hindi kayo nag-aaral o nagtatrabaho, proof of employment or proof of education na nag-aaral kayo sa oras na 'yon, pauwi kayo, bawal na kayo sa kalye after 10pm,” anang DILG Secretary.

Binigyang-diin din niya ang mensahe naman niya para sa naman sa ilang kabataang geng geng at tumitira umano ng rugby.

“Umuwi na kayo sa mga bahay n'yo. Yung mga rugby boys d'yan, yung mga geng geng d'yan, yung mga g*go sa kalye sa d'yan, magtago na kayo, umuwi na kayo. 'Pag 10 o'clock huhulihin namin kayo,” saad ni Remulla. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘Yung mga geng geng d’yan!’ DILG, huhulihin mga menor de edad na lalabag sa ‘curfew hours’