MILWAUKEE (AP) — Nagsalansan si Giannis Antetokounmpo ng 34 puntos at 11 rebounds para sandigan ang Milwaukee Bucks laban kay LeBron James at Los Angeles Lakers, 111-104, nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
(AP)
Kumuha rin si Antetokounmpo ng pitong assists at career-best limang three-pointers, habang kumana si George Hill ng 21 puntos mula sa bench para sa Bucks. Umangat ang Milwaukee sa 25-4.
Kumana si James ng 21 puntos, 12 rebounds at 11 assists para sa ikapitong triple-double ngayong season, habang tumipa si Anthony Davis ng 36 puntos at 10 rebounds para sa Los Angeles.
JAZZ 111, HAWKS 106
Sa Atlanta, ginapi ng Utah Jazz, sa pangunguna ni Donovan Mitchell na kumubra ng 30 puntos, ang Atlanta Hawks.
Dikit ang laban tungo sa huling tatlong minute at naselyuhan ang panalo sa dalawang free throws ni Mitchell may 13 segundo ang nalalabi.
Naitala ng Jazz ang ika-apat na sunod na panalo. Kumana rin si Jazz center Rudy Gobert ng 20 puntos at 13 rebounds.
Nanguna si point guard Trae Young sa Hawks sa naiskor na 30 puntos at nag-ambag si Jabari Parker ng 23 puntos sa ikaanim na sunod na kabiguan ng Atlanta.
SPURS 118, NETS 105
Sa San Antonio, hataw si Patty Mills sa naiskor na 27 puntos at naisalba ng San Antonio Spurs ang career-high 41 puntos ni Spencer Dinwiddie para makalusot laban sa Brooklyn Nets.
Nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 20 puntos at 10 rebounds sa San Antonio.
Hindi nakalaro sa Brooklyn si Kyrie Irving – ika-17 sunod na laro – dulot ng injury sa kanang balikat.