PORMAL na nagsimula ang weightlifting competition ng 30th Southeast Asian Games sa Ninoy Aquino Stadium na nasa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.

Ngunit, ngayon pa lamang sasabak sa aksiyon ang Olympic silver medalist na si Hidilyn Diaz sa kanyang event na 55 kilograms.

Hangad ng 28-anyos na si Diaz na makamit ang kanyang unang SEA Games gold medal kung saan inaasahang magiging mahigpit nyang katunggali ang

20-anyos na si Khambao Surodchana ng Thailand gayundin ang 17-anyos na Indonesian na si Juliana Klarissa na tumapos na 10th place sa nakaraang 2019 World championship sa Suva, Fiji at ang Vietnamese na si Nguyin Thi Thuy na pumanglima naman sa 2019 World Cup sa China at pang-anim sa 2019 Asian Championship sa Ningbo, China.

Mentor era? John Amores, nagtuturo na ng 'shooting skills' sa aspiring players

Bukod kay Diaz, isa rin sa inaasahang magwagi ng medalya sa weightlifting ay si Nestor Colonia na sasabak naman sa Martes sa men’s 67 kilograms.

May nakatayang 10 gold medals sa weightlifting na kinabibilangan ng 6 sa women’s division at 4 naman sa men’s class.Kahapon habang isinasara ang pahinang ito ay nakatakdang sumalang ang mga pambato ng bansa na sina John Fabliar Ceniza (55-kg) at Mary Flor Diaz (45-kg)

Ang iba pang mga weightlifters na isasabak ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) sa apat na araw na kompetisyon ay sina Elreen Rose Perez (49-kg), Margaret Colonia (59-kg), Elreen Ann Ando (64-kg), at Kristel Macrohon (71-kg) sa women’s division at Dave Lloyd Pacaldo (61-kg) sa men’s.

-Marivic Awitan