May 22, 2026

Home BALITA National

FPRRD, umaasang masuklian loyalty at suporta ng nagmamahal sa kaniya!

FPRRD, umaasang masuklian loyalty at suporta ng nagmamahal sa kaniya!
Photo courtesy: File Photo

Nagawang magpasalamat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga taong nananatili pa ring tapat at sumusuporta sa kaniya at umaasa siyang masuklian niya ang mga ito sa takdang-panahon. 

Ayon sa naging panayam ng Duterte supporter na si Alvin Sarzate sa bunsong anak ni FPRRD na si Veronica “Kitty” Duterte sa The Hague, Netherlands noong Huwebes, Abril 16, 2026, sinabi ng huli na mabuti ang kalagayan ng kaniyang ama sa loob ng detention center ng International Criminal Court (ICC). 

“He looked good today,” pagsisimula niya. 

Ani Kitty, pinapakumusta raw ni FPRRD ang mga taong sumusuporta pa rin sa kaniya at umaasa ang dating Pangulo na masuklian nito ang pagiging tapat pa rin ng mga tao sa kaniya pagdating ng itinakdang panahon. 

“He has a message for everyone… sabi niya, ‘Nangangamusta ako sa inyong lahat. Daghang salamat sa inyong tanan. Daghang salamat sa loyalty. I hope I will be able to repay it soon,’” aniya. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“Balang araw daw. All over, not just the OFWs, sa buong Pilipinas. Maraming salamat for your loyalty,” pagtatapos pa niya. 

Kaugnay nito, matatandaang humiling ang kampo ni FPRRD noong Abril 13, 2026, sa ICC Appeals Chamber na pahintulutan siyang hindi dumalo sa pagdinig na nakatakdang gawin sa Abril 22.

Kaugnay ito sa pagbasa sa desisyon ng kanilang apela laban sa ibinasurang desisyon hinggil sa pag-aalinlangan ni Duterte sa hurisdiksyon ng ICC sa kaso nito.

Ayon sa 3-pahinang dokumento ng ICC na may petsang Abril 13, kakatawanin si Duterte ng kaniyang legal counsel na si Atty. Nicholas Kaufman sa magiging pagliban niya sa pagdinig.

Nakatakdang ihatid ng korte ang hatol sa apela ni Duterte hinggil sa agam-agam nito sa hurisdiksyon ng ICC pagpatak ng Abril 22, 11 a.m.

KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, umapelang hindi makakadalo sa ICC hearing sa Abril 22

KAUGNAY NA BALITA: 'Isa sa mga pinaka-loyal kay Tatay Digong!' Kitty, 'second papa' si Ninong Bong Go niya