Humiling ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber na pahintulutan siyang hindi dumalo sa pagdinig na nakatakdang gawin sa Abril 22.
Kaugnay ito sa pagbasa sa desisyon ng kanilang apela laban sa ibinasurang desisyon hinggil sa pag-aalinlangan ni Duterte sa hurisdiksyon ng ICC sa kaso nito.
Ayon sa 3-pahinang dokumento ng ICC na may petsang Abril 13, kakatawanin si Duterte ng kaniyang legal counsel na si Atty. Nicholas Kaufman sa magiging pagliban niya sa pagdinig.
Nakatakdang ihatid ng korte ang hatol sa apela ni Duterte hinggil sa agam-agam nito sa hurisdiksyon ng ICC pagpatak ng Abril 22, 11 a.m.
Hindi ito ang unang pagkakataon na hindi sumipat ang dating Pangulo sa mga pagdinig ng ICC.
Matatandaang noong Pebrero ay ipinagpaliban niya ang pagdinig para sa confirmation of charges laban sa kaniya. Iginiit niyang labag umano sa soberanya ng Pilipinas ang pagkakadala sa kaniya sa The Hague, Netherlands.
Maki-Balita; ICC, pinahintulutang lumiban si FPRRD sa pagdinig ng confirmation of charges
Kasalukuyang nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity dahil sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon niya.