May 13, 2026

Home BALITA National

Zaldy Co, 1-3 linggo bago makabalik sa Pinas—SILG Remulla

Zaldy Co, 1-3 linggo bago makabalik sa Pinas—SILG Remulla
Photo courtesy: File Photo

Inilahad ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na maaari pang umabot sa isa hanggang tatlong linggo bago tuluyang maibalik sa Pilipinas si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co. 

Matatandaang naaresto si Co sa Prague, Czech Republic, ayon sa kumpirmasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Huwebes ng gabi, Abril 16, 2026.

Sa naturang Facebook post ng Pangulo, sinabi niyang kasalukuyan nang nakakulong si Co sa Prague matapos umano itong tumawid sa Czech Republic nang wala umanong tamang dokumento.

“Nahuli na si Zaldy Co. He is now detained in Prague after crossing into the Czech Republic without proper documentation and is currently in the custody of Czech authorities,” aniya. 

KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, tiklo sa pagpasok sa Czech Republic—PBBM

National

Sen. Kiko, di uurungan bantang ethics complaint ni Sen. Robin: 'Di uubra pasiga-siga sa akin!'

Ayon naman sa naging panayam ng DZMM Teleradyo kay Remulla nitong Biyernes, Abril 17, 2026, sinabi niyang may mga komplikasyon na kailangang ayusin sa mga papel ni Co bago ito tuluyang maibalik sa bansa. 

“May komplikasyon pa ng kaunti. Kasi ang kaniyang deportation order is based on cancelled passport,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Hindi niya kasi dala ‘yong kaniyang Portuguese passport. Wala siyang dala. Parang nagkampante na. So noong nahuli siya roon, nakalagay doon na wala siyang travel document ay hinuli siya kaagad.” 

Ani Remulla, nakiusap daw ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Czech Republic na isang wanted sa awtoridad ng bansa si Co. 

Aniya pa, kasalukuyan itong nasa kustodiya ng mga awtoridad sa nasabing bansa at pinoproseso ang mga papel nito. 

“Nakiusap ang DFA na siya ay wanted and he’s being held in detention hanggang ma-process ang kaniyang mga papers,” saad niya. 

Pagpapatuloy ni Remulla, baka raw tumagal ng isa hanggang tatlong linggo bago maibalik si Co sa bansa at nilinaw niyang ang DFA raw ang nag-aasikaso patungkol dito. 

“Siguro in one week or as long as three weeks depende sa DFA. Sila talaga ang lead dito, hindi naman ako, e. Coordination lang ako,” ‘ika niya. 

Ayon pa kay Remulla, siya raw nakatakdang umaresto kay Co kapag dumating na ito sa bansa at dadalahin niya ang huli sa kustodiya ng Sandiganbayan. 

“Pagdating dito, ako ang arresting officer at ako ang magdadala sa kaniya sa custody ng Sandiganbayan kasi indicted na siya, e,” pagtatapos pa niya. 

Sa kabila nito, matatandaang inihayag naman ng Philippine National Police (PNP) na nakahanda silang sumuporta sa mga legal na proseso, kabilang ang koordinasyon sa posibleng pagbabalik ni Co sa Pilipinas. 

KAUGNAY NA BALITA: PNP, nakahanda sa posibleng pagbabalik-bansa ni Zaldy Co