NADUGTUNGAN ng Mapua University ang basketball title sa collegiate league nang pagharian ang 11th Asian University Basketball Championship nitong Biyernes sa Lyceum of the Philippines University Gym sa Intramuros, Manila.
Ginapi ng Cardinals ang host LPU Pirates, 98-92, para makumpleto ang ‘sweep’ sa six-team annual tournament na inorganisa ng Asian University Basketball Federation, sa pagtataguyod ng Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) at Basketball Association of the Philippines (BAP).
Umusad sa Finals ang Pirates bunsod ng highest quotient matapos magtabla sa Kendai University and Nippon Sports Science University (NSSU) ng Japan sa parehong 3-2 marka matapos ang elimination round.
Ratsada sa Mapua sina Noah Lugo na tinanghal na Most Valuable Player, na may 13 puntos, habang nanguna si Buth Gamboa na may 25 puntos at tumipa sina Cyrene Gonzales at Laurence Victoria ng 15 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna si Yancy Remulla sa LPU na may 21 puntos.
Pinangunahan ni AUBC Organizing Committee Chairman Dr. Robert Milton Calo at Commissioners Leonardo ‘Ding’ Andres at Bai Cristobal ang pagbibigay ng parangal sa mga nagwagi.