ONGOING ang sampung araw na 15th Cinema One Originals Film Festival, nagsimula nitong nakaraang Huwebes at matatapos sa November 17, Linggo.Milestone nang maituturing ang ikalabinlimang taon ng festival ng independent Filipino filmmakers na lalo pang nilakihan at pinag-igihan ang pagpili ng mga kasaling pelikula.

Napapanood ang mga entry ng C1 Originals sa Trinoma, Glorietta, Ayala Malls Manila Bay, Gateway, Powerplant Makati, Cinema ‘76, Cinema Centenario, Cinematheque, at Cine Adarna.
Tiyak na may magugustuhan ang bawat moviegoer dahil halos kumpleto sa iba’t ibang genre ang walong pelikulang kasali. Bida sa Lucid na idinirihe ni Victor Villanueva sina Alessandra de Rossi at JM de Guzman, tungkol sa dalagang malungkot ang buhay sa tunay na buhay pero perpekto ang lahat sa kanyang mga panaginip.
Nagsimulang gumulo ang kanyang buhay nang makilala niya ang isang estranghero na humamon sa kanya upang isabuhay ang kanyang mga ilusyon.Mula sa direksiyon ni J.E. Tiglao ang Metamorphosis na kuwento ni Adam, na isinilang na may male at female genitals.
Pinagdaanan niya ang mga karanasan ng pagiging binatilyo kasunod ang pagkakaroon ng unang buwanang dalaw.
Mahihirapan siyang hagilapin ang kanyang tunay na sexual identity. Tampok sa Metamorphosis sina Gold Aceron, Iana Bernandez, Yayo Aguila, at Ricky Davao.
Sa direksiyon ni Kevin Dayrit, ang O ay isang dark comedy tungkol sa necrophiliac vampires na namamahala ng funeral parlors, nangunguha ng dugo sa mga bangkay at ginagawa itong droga o red meth na ibinebenta sa kanilang mga kauri.
Malalim na pagtalakay ang pelikula sa drug culture at sa mga nagagawa ng sinumang nais matighaw ang uhaw sa kinahuhumalingang bisyo. Bida sa O sina Lauren Young, Anna Luna, Sarah Carlos, at Jasmine Curtis-Smith. Ghosting story ang Sila-Sila mula sa direksiyon ni Giancarlo Abrahan, bida sina Topper Fabregas at Gio Gahol.
Tungkol sa lalaki na laging magulo at traumatic ang pakikipaghiwalay sa mga nakakarelasyon.
Nang muling makita ang kanyang ex-boyfriend, natuklasan niya na nagkamali siya nang makipaghiwalay dahil mahal pa pala niya ito.Idinirihe ni Denise O’Hara ang Tayo Muna Habang Hindi Pa Tayo na pinagbibidahan nina Jane Oineza at JC Santos.
Nag-date muna ang characters nila bago nagkaalaman na hindi pa pala handang makipagrelasyon ang lalaki.
Kailangang suriin ng dalaga kung magtatagal ba ang pagmamahal na walang commitment. Horror ang Tia Madre na pinamahalaan Eve Baswel.
Tungkol sa hyper-imaginative na 10-year old girl na si Camille, na may inang nagiging halimaw. Bida sa Tia Madre sina Cherie Gil at Jana Agoncillo. Mula sa direksiyon ni Dustin Celestino ang Utopia na nakatuon sa isang freelance videographer, isang rookie police officer, at isang undercover PDEA agent na nagkamaling napasuong sa masalimuot na mundo ng mga kriminal sa siyudad. Bida sa Utopia sina Vin Abrenica, Arron Villaflor, at Enzo Pineda.
Bida sa Yours Truly, Shirley si Regine Velasquez mula sa direksiyon ni Nigel Santos. Biyuda na hindi pa tuluyang matanggap ang pagpanaw ng asawa ang role ni Regine sa Yours Truly, Shirley. Sa pagsisikap na malampasan ang pagdadalamhati, may naisip siyang mga kakatwang bagay. Riot sa lahat ang na-imagine niya na reincarnation ng asawa ang sikat na pop star.
-DINDO M. BALARES