Nagbigay ng reaksiyon ang komedyanteng si Kakai Bautista kaugnay sa paghahambing sa kaniya kay Miss Earth Philippines 2025 Joy Barcoma.
Matatandaang tila hindi nagustuhan ni Joy ang ginawang pagdepensa ni Kakai kay courtside reporter Apple David na jumowa ng 18-anyos na si Chad Gammad.
Sa isang X post ni Joy noong Hulyo 4, sinabi niyang masasaktan na raw siya ngayon kapag sinabing kamukha niya si Kakai
Kaya sa pagsalang ng komedyante bilang guest sa latest episode ng “Ogie Diaz Inspires” kamakailan, hindi na pinalampas ng host na tanungin siya tungkol dito.
“Well, flattered ako kasi matalino, maganda, ‘di ba? ‘Yon ang masasabi ko,” ani Kakai.
“Sabi ko nga,” pagpapatuloy niya, “‘yong mga bashing-bashing na ‘yan, i-a-address ko lang ,ha, about Apple David.”
“Unang-una, when I said that and commented that on this Facebook page, alam mo ‘yong masaya ka lang. [...] ‘Sino na namang inaaway n’yo?’ I said that. With thinking, wala lang ‘yon. It’s not a big issue. After that, nag-video ako and I researched if there is a case na inihain para kay Apple David for anything. Wala namang kaso,” dugtong pa ng komedyante.
Nagsimulang maging kontrobersiyal si Apple nang ibahagi niya sa social media ang larawan nila ni Chad nang hindi hagip ang mukha nito.
Inulan pa siyang lalo ng batikos nang palabasin niyang tila wala namang masama sa relasyon nila.
Samantala, nakanda raw si Kakai na magsampa ng kaso sa mga basher na lalampas sa limitasyon ang paninirang-puri.
“Nakakalimutan kasi ng mga content creator ngayon na there’s a Cybercrime Act na pwede kayong makulong, pwede kayong masita,” aniya.”
Kaya payo niya, bago sana magbato ng masasamang salita laban sa kaniya, alamin muna ang katotohanan sa likod nito.
Maki-Balita: Joy Barcoma, ‘di na bet maging kahawig ni Kakai Bautista dahil kay Apple David?