PINANGUNAHAN ni dating UAAP five-time MVP Marck Espejo ang Cignal sa paggapi sa Go for Gold-Air Force, 21-25, 25-22, 24-26, 25-16, 15-6, upang makamit ang 2019 Spikers’ Turf Open Conference title nitong Martes sa Paco Arena.

Sa nasabing panalo, nagtala ang tinanghal na Finals MVP na si Espejo ng 43 puntos, mula sa 33 attacks, 8 hits at dalawang blocks bukod pa sa 22 excellent receptions at 8 digs upang tulungan ang HD Spikers sa pagwalis ng finals series.

Tangan ni Espejo na ngayon ang may hawak ng record na “most points scored in a game” sa kasaysayan ng liga.

Nilagpasan niya ang dating record na 41-puntos na itinala ni Howard Mojica ng Emilio Aguinaldo College noong Agosto 19, 2015 sa laban nila kontra Ateneo.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Matapos pamunuan ang Cignal sa paghirit ng decider, si Espejo din ang sumelyo ng kanilang panalo matapos itala ang lima sa huling anim na puntos ng HD Spikers.

“Sobrang happy and overwhelming, hindi namin lubos maisip na kami pa rin magchachampion kasi ang daming nawala e. Nagpapasalamat ako siyempre kay Lord kasi binigay niya sa amin ‘to,” ani Cignal coach Dexter Clamor.

Nagdagdag naman si Ysay Marasigan ng 11 puntos gayundin si Edmar Bonono bukod pa sa 9 na digs. Nanguna naman sa natalong Air Force si Ran-Ran Abdilla na may 18 puntos.

Samantala, tinanghal naman ang HD Spikers captain na si Marasigan bilang Conference MVP bukod pa sa pagiging Best Opposite Spiker sa ikatlong pagkakataon.

Nagwagi naman si Abdilla bilang First Best Open Spiker kasunod si Espejo bilang Second Best Open Spiker.

Nanalo naman sina Francis Saura ng Air Forceand at Anjo Pertierra ng Cignal bilang First at Second Best Middle Blocker, ayon sa pagkakasunod habang napunta naman kina Ricky Marcos at Joshua Retamar ang Best Libero at Best Setter award.

-Marivic Awitan