Nagbigay ng paglilinaw si Sen. Alan Peter Cayetano kaugnay kay Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. matapos siyang punahin ng iba’t ibang grupo dahil inihalintulad umano niya ang sarili sa dating senador na matagal nang pumanaw.
Sa isang Facebook post ni Cayetano noong Sabado, Hunyo 13, sinabi niyang hindi raw niya ikinukumpara kay Ninoy ang kaniyang sarili o maging ang grupo niya.
“I am proud of what they did and what they sacrificed. I do not compare myself, or our group, to them — but I do identify with what they fought for. The revolution is unfinished. Who will fight for the truth?” saad ni Cayetano.
“Some now ask who has the right to invoke Ninoy’s name. With respect, that is the wrong question,” pagpapatuloy niya. “We do not claim to be him, and we do not compare ourselves to his heroism. “
Ayon kay Cayetano, ang karapat-dapat umanong itanong ng sinoman—kabilang na siya—ay kung gugustuhin ba ng bawat isang mabuhay batay sa pamantayang itinakda nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at ng iba pang karaniwang tao na lumalaban nang patas at nagsasakripisyo para sa pamilya.
Matatandaang sinita ng August Twenty One Movement (ATOM) ang pahayag ni Cayetano tungkol kay Ninoy.
Anila, isang kabalintunahan umano na matapos iendorso ng kampo ni Cayetano ang mga Marcos noong 2022 elections, pumopostura naman ang mga ito ngayon bilang tagapagmana ng legasiya ni Ninoy.
Maki-Balita: ATOM, binakbakan si Sen. Cayetano: 'You are not revolutionaries, you are delusionaries!'
Sabi naman ng Liberal Party (LP), malayo umano sa ipinaglalaban ni Cayetano ang pakikibakang ginawa noon ni Ninoy sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Sr.
Kung babalikan, isa si Ninoy sa mga kilalang pigura sa kasaysayan ng Pilipinas. Higit dalawang dekada na ang nakakalipas simula nang paslangin siya, subalit hanggang ngayon, hindi pa rin tukoy ang mastermind.
Bilang senador ng 7th Congress, isa si Ninoy sa mga nangungunang kritiko ni Marcos Sr. Inaresto siya matapos ang deklarasyon ng batas militar noong 1972.
Kabilang sa mga kasong ipinataw sa kaniya ay murder, illegal possession of firearms, at subersyon. Noong Agosto 21, 1983, matapos ang tatlong taong pagkakatapon sa Amerika, umuwi siya ng Pilipinas at sinalubong ang kamatayan.
Binaril ang dating senador sa Manila International Airport, na ngayon ay nakapangalan na sa kaniya.
Maki-Balita: Pakikibaka ni Ninoy, malayo sa ipinaglalaban ni Cayetano—LP