Naglabas ng pahayag ang Liberal Party (LP) kaugnay sa pahayag ni Sen. Alan Peter Cayetano na inihahalintulad ang pakikipaglaban ng grupo nito sa Senado sa pakikibaka noon ni dating Sen. Benigno “Ninoy” Aquino laban sa administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
“I mentioned earlier what Senator Benigno Aquino said that the Filipino is worth fighting for. So that’s why now and then, I hope others would not get offended, I will really use the Laban sign because we have to continue fighting,” saad ni Sen. Alan sa Facebook live niya noong Biyernes, Hunyo 12.
Ngunit sa latest Facebook post ng LP noong Sabado, Hunyo 13, sinabi nilang malayo umano ang pakikibaka ni Ninoy sa ipinaglalaban ngayon ni Cayetano.
Anila, “Hindi pinangunahan ni Ninoy ang pagliban sa mga sesyon ng lehislatura. Kailanman ay hindi niya iminungkahi na patayin ang kuryente ng Senado upang pigilan ang proseso ng institusyon. “
“At lalong wala siyang ikinanlong na mga pinaghihinalaang mamamatay-tao at mandarambong upang makaiwas sa pananagutan. Hindi rin naging kapit-tuko sa kapangyarihan si Ninoy. Pinili niyang isugal ang sariling kalayaan at buhay para sa prinsipyo at para sa bayan,” dugtong pa ng LP.
Kaya bilang kapuwa Liberal, sinabi nilang kalapastangan umano na gamitin at ikumpara ang pangalan ni Ninoy para bigyang-katwiran ang mga hakbang na taliwas sa mga pagpapahalagang ipinaglaban nito.
“Ang pamana ni Ninoy ay hindi tungkol sa paghawak sa kapangyarihan. Ito ay tungkol sa katotohanan, pananagutan, tapang, at sakripisyo para sa demokrasya,” dugtong pa nila.
Matatandaang maging ang August Twenty One Movement (ATOM) ay sinita ang naging pahayag ni Cayetano.
Anila, isang kabalintunahan umano na matapos iendorso ng kampo ni Cayetano ang mga Marcos noong 2022 elections, pumopostura naman ang mga ito ngayon bilang tagapagmana ng legasiya ni Ninoy.
Maki-Balita: ATOM, binakbakan si Sen. Cayetano: 'You are not revolutionaries, you are delusionaries!'
Kung babalikan, isa si Ninoy sa mga kilalang pigura sa kasaysayan ng Pilipinas. Higit dalawang dekada na ang nakakalipas simula nang paslangin siya, subalit hanggang ngayon, hindi pa rin tukoy ang mastermind.
Bilang senador ng 7th Congress, isa si Ninoy sa mga nangungunang kritiko ni Marcos Sr. Inaresto siya matapos ang deklarasyon ng batas militar noong 1972.
Kabilang sa mga kasong ipinataw sa kaniya ay murder, illegal possession of firearms, at subersyon. Noong Agosto 21, 1983, matapos ang tatlong taong pagkakatapon sa Amerika, umuwi siya ng Pilipinas at sinalubong ang kamatayan.
Binaril ang dating senador sa Manila International Airport, na ngayon ay nakapangalan na sa kaniya.
Basahin: KILALANIN: Ang mga inapo ni dating Senador Ninoy Aquino