July 14, 2026

Home BALITA

'No confidential infos!' DICT, may tiniyak sa na-hack na website ng Kamara

'No confidential infos!' DICT, may tiniyak sa na-hack na website ng Kamara
Photo courtesy: HOR website

Kinumpirma ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nakatanggap ito ng ulat hinggil sa umano’y pag-deface ng opisyal na website ng House of Representatives (congress.gov.ph) noong hapon ng Sabado, Hunyo 13, 2026.

Sa isang pahayag nitong Linggo, Hunyo 14, sinabi ng DICT na agad itong nakipag-ugnayan sa Kamara sa pamamagitan ng National Computer Emergency Response Team (NCERT) at ipinatupad ang mga kaukulang incident response procedures upang tugunan ang insidente.

Ayon sa ahensya, nakatuon sa kasalukuyan ang kanilang mga hakbang sa pagpigil sa epekto ng insidente, pagpapanumbalik ng mga naapektuhang features ng website, at pagtukoy sa lawak at uri ng hindi awtorisadong panghihimasok sa operasyon nito.

Sinabi ng DICT na batay sa paunang pagsusuri, wala pang indikasyon na may nakompromisong sensitibo o confidentiall na impormasyon ng pamahalaan.

“Initial assessment indicates that, at present, no confidential or sensitive government information has been compromised. The affected pages primarily contain publicly available information. This assessment remains preliminary and is subject to the findings of the ongoing technical investigation,” anang DICT.

National

Sen. Mark Villar naghain ng resolusyon para parangalan si Alex Eala

Nakikipag-ugnayan din ang DICT sa House of Representatives at iba pang kaugnay na law enforcement agencies upang imbestigahan ang insidente, suportahan ang pagpapanumbalik ng mga apektadong sistema at serbisyo, at palakasin ang mga hakbang sa cybersecurity upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari sa hinaharap.

Binigyang-diin ng ahensya na ang website defacement ay maaaring lumabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 o Republic Act No. 10175, at mananagot ang sinumang mapatutunayang responsable alinsunod sa batas.

Samantala, tiniyak ng DICT ang patuloy nitong pangako sa pangangalaga ng kritikal na information infrastructure ng bansa at nangakong magbibigay ng karagdagang impormasyon sa sandaling may mapatunayang resulta ang nagpapatuloy na imbestigasyon.

“The DICT remains committed to safeguarding the country’s critical information infrastructure. Further updates will be provided as warranted by verified findings,” anang DICT.

Matatandaang kamakailan lang nang naunang na-hack ang website ng Senado na kaagad namang inako ng Nullsec Philippines. 

Anila, ipinakita lang daw nila sa Senado kung ano ang kayang gawin ng taumbayan sa digital na pamamaraan kaya nila ni-hack ang naturang site. 

“Instead, we carried out the attack to show them what their citizens can do, not only physically but also digitally,” paliwanag nila. 

KAUGNAY NA BALITA: Nullsec Philippines, pinabulaanang bayaran ng DDS, Kakampink, o Dilawan!