Mariing itinanggi ng Pinoy Hackers at nagpakilalang grupo na pumasok sa website ng Senado na Nullsec Philippines na binayaran sila ng mga politikal na grupo kagaya ng mga Duterte supporters (DDS), Kakampink, at Dilawan.
Matatandaang nagbabala ang Nullsec Philippines sa pag-atake nila sa Senado nitong Lunes, Hunyo 11, 2026, kaugnay umano sa mga senador na gumagawa ng korapsyon na siyang nakakaapekto sa taumbayan.
KAUGNAY NA BALITA: 'We do not forgive!' Nullsec Philippines, nagbabala sa mga korap sa Senado
Batay naman sa bukod pang post ng inilahad nila sa kanilang page nito ring Lunes, sinabi nilang hindi raw totoo ang sinasabi ng ilan na may nanuhol sa kanilang grupo para pasukin ang website ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
“To those who say someone sponsored us to hack the Philippine Senate, that is not true,” pagsisimula nila.
Anila, ipinakita lang daw nila sa Senado kung ano ang kayang gawin ng taumbayan sa digital na pamamaraan kaya nila ni-hack ang naturang site.
“Instead, we carried out the attack to show them what their citizens can do, not only physically but also digitally,” paliwanag nila.
Giit ng Nullsec Philippines, hindi raw sila DDS, Kakampin, o Dilawan at nilalabanan daw nila ang korapsyon para sa Pilipinas.
“We are not green, pink, or yellow. We are fighting against the corruption happening in our country,” ‘ika nila.
Pagpapatuloy nila, pagod na raw sila sa nakikita nilang “drama” sa Senado at nararamdaman daw nilang tila minamanipula sila nito at pinagmumukhang walang alam.
“And as for the dramas we see, we are tired of them. It feels like they are manipulating us and making us look like fools,” pagtatapos ng Nullsec Philippines.
Samantala, habang sinusulat ito, nasa “under maintenance” pa rin ang website ng Senado.