SIKSIK, liglig at umaapaw ang biyaya sa limang atletang Pinoy na posibleng maging ‘Fabulous Five’ ng Team Philippines sa 2020 Tokyo Olympics.
At maging ang Pangulong Duterte ay nagpahayag ng dalangin at kumpiyansa na kaya nina pole vaulter EJ Obiena, gymnast Carlos Yulo, weightlifter Hidilyn Diaz, woman boxer Nesthy Petecio at kasangga na si Eumir Felix Marcial na makamit ang tugatog ng tagumpay.
“Masayang masaya ang Presidente sa tagumpay ng ating mga atleta. Kumpiyansa siya na makakamit natin ang matagal nang inaasam na gintong medalya sa Olympics,” pahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez, sinamahan ang lima kasama ang kanilang mga coach at opisyal ng sports association sa courtesy call sa Malacanang nitong Miyerkoles.
Aabot sa kabuuang mahigit sa tig-P3 Milyong piso ang nakatakdang makuha nina Yulo, Petecio at Diaz, habang dagdag na insentibo naman kina Obiena at Marcial.
Tatanggap si Yulo ng P500,000 batay sa RA 10699, na dinagdagan naman ng P500,000 ng PSC matapos magwagi sa World Artistic Gymnastics sa Germany. Tinumbasan ito ng Pangulong Duterte ng P1 milyon.
Bukod sa mga nabanggit na insentibo, dinagdagan din ng MVP foundation ng P1milyon ang papremyo kay Yulo kasama ng P500,000 buhat sa Siklab foundation sa pangunguna ni Phoenix president Dennis Uy.
Si Petecio naman ay tatanggap ng P1milyon ayon sa RA 10699, bukod pa sa tig- P1milyon buhat kay Pangulong Duterte at sa MVP foundation at karagdagang 500,000 buhat sa siklab foundation.
Sa panig naman ni Obiena, bukod sa P1 milyon na kanyang matatanggap buhat sa RA 10699, ay tatanggap pa ito ng karagdagang 600,000 buhat sa universade, kasama ng 1milyong piso buhat sa sa Pangulo, 1milyon din buhat sa MVP fuondation at 500,000 buhat sa Siklab.
Dahil dito, plano ni Yulo na bilhan ng sariling bahay ang kanyang mga magulang bilang pagkilala sa pagtityaga at pagsuporta sa kanyang napiling sports.
Aalis pabalik ng Japan si Yulo sa susunod na linggo upang maghanda para sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games (SEA Games), gayundin sina Obiena at Petecio.
Sa kabila ng panalo ni Petecio sa AIBA world, kailangan niya ang karagdagang puntos para makaabot sa ranking system tungo sa Olympics, gayundin sina Marcial at Diaz.
-Annie Abad