HINDI ko matiyak kung nagbibiro ang ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno nang kanilang palutangin ang plano hinggil sa paglalagay ng business class sa ating light rail transport (LRT) system. Nangangahulugan na ang isa sa mga bagon ng naturang mga transportasyon ay ilalaan sa business class para sa kaluwagan at kaginhawahan, marahil, ng mga pasahero na nakaririwasa sa buhay at kabilang sa tinatawag na alta sociedad.

Sapagkat wala akong makitang lohika sa naturang plano, gusto kong maniwala na iyon ay hindi pinag-ukulan ng masusi at matalinong pag-aaral: lalo na nga kung isasaalang-alang ang halos sunud-sunod na pagkasira ng ating rail systems. Bunsod marahil ito ng mga kapalpakan at pagpapabaya ng kinauukulang mga opisyal at maintenance providers.

Isa pa, ang ating transport system ay hindi maihahambing sa ganitong uri ng mga sasakyan sa mauunlad na bansa na talaga namang dapat magkaroon ng mga business class para sa sinumang pasahero, anuman ang kanilang katayuan sa buhay: mga pasahero na nakaluluwag sa mga pangangailangan na nais mapahinga at matulog habang nagbibiyahe. Wala itong pinag-iba sa iba pang uri ng transport system, tulad, halimbawa, ng mga eroplano na may business class para sa mga pasahero na marapat ding makaranas ng maginhawang paglalakbay habang nasa himpapawid.

Sa halip na isulong ng naturang mga mambabatas at ng ilang opisyal ng pamahalaan ang paglalagay ng business class sa mga LRT, atupagin na lamang nila ang pagbalangkas ng mga patakaran tungo sa ibayong pagpapabuti ng serbisyo ng nasabing transportasyon. Kabilang dito ang rehabilitasyon ng mga riles at electrical system na malimit maging dahilan ng katakut-takot na pagkaabala at pahirap sa mga pasahero. Isipin na lamang na dahil sa gayong mga kapalpakan, tatagal pa ng halos isang taon ang pagkumpuni sa aberya sa LRT-2.

Ang pagsusulong ng gayong mga patakaran ay hindi dapat mabahiran ng mga pagbibiro. Biglang sumagi sa aking utak ang tila pagbibiro rin ng nakaraang administrasyon. Hindi ba ipinahiwatig noon nina dating Pangulong Benigno S. Aquino III at dating DOTC Secretary Abaya na sila ay magpapasagasa sa tren kung hindi malulutas ang naturang mga problema?

Ang ating kasalukyang LRT system ay pinaniniwalaan kong nakalaan sa mga pasahero na laging nagkukumagkag at halos magtulakan sa pagsakay sa mga tren upang mabilis na makarating sa kani-kanilang patutunguhan; halos magkapalitan ng mga mukha, wika nga, sa pagsisiksikan.

Sa ganitong situwasyon, walang puwang ang business class na maituturing lamang na status symbol na may kaakibat na paglalantad ng karangyaan; naniniwala ako na ito ay lalong magpapalawak sa agwat ng mayroon at wala, wika nga.

-Celo Lagmay