MERON ba o wala? Ito ang katanungan ngayon ng mga Pilipino na sumusubaybay sa madugong giyera ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa illegal drugs sa Pilipinas. Ang tanong na kung meron ba o wala ay tungkol sa unang pahayag ni Mano Digong sa Russia na dalawang aktibong Heneral ang “hanggang ngayon ay nakikipaglaro sa droga.”
Hindi naman binanggit ng ating Pangulo kung sino ang dalawang General hindi tulad noong 2016 na ibinunyag niya sa publiko ang pangalan ng ilang Heneral sa Philippine National Police (PNP) na umano’y sangkot sa iligal na droga. Hindi rin nangimi si PRRD sa paghahayag ng drug matrix na kinaroroonan ng pangalan ng politiko, gobernador, kongresista, mayor, vice mayor at barangay officials.
Noong Lunes, nagbago ang ihip ng hangin. Sa banner story ng English broadsheet, ganito ang nakalagay: “Rody: No generals in drug recycling.” Batay sa balita, nilinaw ni PDu30 na walang police general ang binanggit sa report hinggil sa illegal drugs na isinumite sa kanya ng security officials.
Bulong tuloy ng kaibigang palabiro-sarkastiko: “Kung ganoon pala, eh bakit bigla niyang inihayag sa harap ng mga lider sa mundo, kabilang sina Russian Pres. Vladimir Putin, King Abdullah II ng Jordan at Kasakhstan President Kassym-Jomart Tokayev, na dalawang heneral ang sangkot hanggang ngayon sa bawal na gamot.” ‘Yan ang hindi ko masasagot kaibigan.
Kung natatandaan pa ninyo, sa isang forum na inorganisa ng isang Russian think tank sa Sochi noong Biyernes, sinabi ng Pangulo na dalawang General ang “still playing with illegal drugs.” Ito ang dahilan kung bakit madugo ang giyera niya sa narkotiko. Gayunman, noong Linggo, kinorek ni Mano Digong ang una niyang pahayag at nalito raw siya o naging ignorante sa ranggo ng mga pulis.
“Walang mga Heneral. Sigurado ako rito. Batay sa ulat na ibinigay sa akin, wala. Ito ay colonel, palagay ko,” pahayag niya pagdating sa Davao City mula sa Russia. “I must admit my ignorance actually.”
Inihayag ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, dating hepe ng PNP Criminal Investigation and Detective Group (CIDG), na ilang senior police official ang nag-aalok ng proteksiyon sa kanya kasunod ng death threats na kanyang tinatanggap at ng pamilya matapos sabihin sa mga senador sa executive sesion ang umano’y “ninja cops” sa PNP Pampanga noong si PNP Chief Gen. Oscar Albayaldo pa ang provincial commander.
Ayon kay Magalong na gumawa ng report tungkol sa Mamasapano massacre sa Maguindanao na ikinamatay ng 44 SAF commandos, kinalimutan na niya ang ambisyon at panaginip na maging hepe ng PNP dahil ang kanyang report ay adverse o hindi kanais-nais kina dating Pangulong Noynoy Aquino at ex-PNP chief Gen. Alan Purisima. Sa report, ipinahiwatig niya na may pagkukulang sina PNoy at Purisima.
Samakatwid, taliwas ito sa akusasyon ni Albayalde na “envious” o naiinggit lang si Magalong sa pagkakahirang sa kanya bilang PNP chief. Sabi nga ni Magalong bakit siya maiinggit eh masaya na siya ngayon dahil siya ang Mayor ng Baguio City, isang pangunahing siyudad sa Pilipinas.
Siya nga pala, sa Russia ay inamin ng Pangulo na siya ay may sakit na kung tawagin ay myasthenia gravis, isang nerve malfunction. Dahil dito, ang kaliwa niyang mata ay bumabagsak na kusa. Noon ay inamin din niyang siya ay may Buerger’s disease. By the way, ang anak na bunsong si Veronica o Kitty, ay dinapuan daw ng sakit na dengue. Pero, magaling na naman daw siya.
-Bert de Guzman