NAPILI si Ernest John Obiena, unang Pinoy na kwalipikado na makalaro sa 2020 Tokyo Olympics, bilang “Athlete of the Month” sa buwan ng Setyembre ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS).

tops logo

Nakuha ni Obiena ang karangalan na pangunahan ang Team Philippines sa quadrennial meet nang lagpasan ang 5.80-meter qualifying standard sa pole vault ng athletics sa impresibong 5.81-meter feat nitong Setyembre 2 sa Chiara, Italy.

Nananalaytay sa dugo ng 23-anyos UST graduate ang pagiging kampeon bilang anak ni SEA Games pole vault great Emerson Obiena at binatak ang kakayahan sa walang humpay na pagsasanay sa Italy, sa pangangasiwa ng programa ni Olympic champion Sergei Bubka.

PVL, ibinalandra eligibility rules sa foreign players; Alohi Hardy, ekis ngayong conference

“EJ Obiena’s latest success in pole vault in Chiara, Italy early this month stands out as the most inspiring achievement by the Filipino athletes for September,” pahayag ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight. “More importantly, Obiena also became the first Filipino to book a ticket to the Tokyo Olympic.”

Ito ang ikatlong pagkakataon na nakamit ni Obiena ang pagkilala ng TOPS, media organization na binubuo ng mga sports editors, columnists at photographers mula sa premyadong tabloids newspapers sa bansa.

Tinanghal na ‘Athlete of the Month’ si Obiena nitong Abril matapos makamit ang gintong medalya sa Asian Athletics Championships sa Doha, Qatar. Angat din siya nitong Hulyo nang masungkit ang tanging gintong medalya sa Philippine delegation na sumabak sa Universiade Games sa Napoli, Italy nitong Hulyo.

Naungusan ni Obiena sa parangal ang impresibong panalo ni Pedro Taduran, Jr., kontra Samuel Salva sa all-Filipino showdown para sa IBF minimumweight world championship; chess champions IM Paulo Bersamina at Jan Jodiyn Fronda, kampeon sa GM Rosendo C. Balinas Memorial Cup at National women’s chess Championship, ayon sa pagkakasunod.

Kabilang sa mga nakatanggap ng parangal sa TOPS sina Manny Pacquiao (January), Jasmin Mikaela Mojdeh (February), Natalie Uy (March), June Mar Fajardo (May), Philippine Canoe Kayak and Dragon Boat Federation team (June), at Antonella Berthe Racasa (August).

Isinasagawa ng TOPS ang “Usapang Sports” tuwing Huwebes ganap na 10:00 ng umaga sa National Press Club, sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission, NPC, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drink at mapapanood ng live sa Facebook via Glitter Livestream.