Makalipas ang halos isang taong pagkawala sa gobyerno, balik panunungkulan sa pamahalaan si Margaux Esther “Mocha” Uson.
Ito ay matapos pormal na italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Uson bilang Deputy Executive Director V (Deputy Administrator) sa ilalim ng Overseas Wokers Welfare Administration (OWWA) na isa sa presidential appointee.
Kahapon inilabas ng Malacañang ang appointment paper ni Mocha na may petsang Setyembre 23.
Matatandaan na si Uson ay dating nang nanungkulan sa pamahalaan bilang Assistant Secretary ng Presidential Communications Operations Office. Nagbitiw siya sa puwesto noong Oktubre 2018 sa gitna ng mga batikos sa social media post nito, na ayon sa mga mambabatas ay taliwas sa trabaho nito sa PCOO, dahilan rin kung bakit naging pahirapan noon ang pagpagpasa ng budget ng nasabing ahensiya.
Sa kanyang radio program, sinabi ni Uson na masa pagtutuunan niya ng panahon ang pangangailangan ng overseas Filipino workers kabilang ang paglilikha ng Department for OFWs.
“Mukhang dadami ang puting buhok ko,” pabirong hirit niya.
-BETH D. CAMIA