Kinuwestiyon ni Sen. Ping Lacson ang planong pag-subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) sa asawa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng patuloy na paghahanap sa senador na nahaharap sa pagkaaresto sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang social media post nitong Linggo, Mayo 31, 2026, sinabi ni Lacson na hindi nararapat na idamay ang misis ng senador na si Nancy Dela Rosa upang alamin ang kinaroroonan ng kaniyang asawa. Aniya, ang hakbang ay maituturing na pangha-harass at indikasyon ng kakulangan sa intelligence work ng ahensya.
“Please don’t do this. Aside from exposing your incompetence in intelligence work, harassing Senator de la Rosa’s wife to track him is unprofessional, ‘trabahong-tamad,’” ani Lacson.
Dagdag pa niya, handa siyang maglaan ng dagdag na intelligence fund para sa NBI sa pagtalakay ng panukalang pambansang budget para sa 2027.
“That said, I pledge to ‘insert’ additional intelligence fund for the NBI during the period of amendments on the 2027 budget measure,” dagdag ng senador.
Nag-ugat ang pahayag ni Lacson matapos sabihin ni NBI Director Melvin Matibag noong Mayo 29 na pinag-aaralan ng ahensya ang pagpapadala ng subpoena kay Nancy Dela Rosa at iba pang indibidwal na huling nakipag-ugnayan sa senador.
Si Dela Rosa ay kasalukuyang pinaghahanap dahil sa inilabas na arrest warrant ng ICC kaugnay ng madugong kampanya kontra ilegal na droga noong nakaraang administrasyon. Naging sentro rin siya ng kontrobersiya matapos umalis sa Senado noong Mayo 14 kasunod ng insidente ng pamamaril sa loob ng Senate complex isang araw bago nito.
Nauna nang humingi ng paumanhin si Mrs. Dela Rosa para sa umano’y “pagtakas” ng kaniyang asawa matapos ang naturang insidente.
Gayunman, nilinaw ni Matibag na hindi layunin ng posibleng subpoena na alamin ang lokasyon ni Dela Rosa.
“Let me be clear on one point: the NBI’s consideration of a subpoena directed at Ms. Nancy Dela Rosa has nothing to do with locating Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa. We are not asking her where her husband is,” ani Matibag sa isang pahayag.
Ayon sa NBI chief, nais nilang maberipika ang ulat hinggil sa isang text message na umano’y ipinadala ni Mrs. Dela Rosa kay Senate President Alan Peter Cayetano noong araw na umalis sa Senado ang senador.
“If that account is accurate, it raises a serious question: was the Senate shooting used as a deliberate diversion to facilitate the senator’s departure? That is the question the NBI intends to pursue,” paliwanag ni Matibag.