Hithit dito, hithit doon! Suba rito, suba roon!
Ilan lamang ito sa mga salitang maiuugnay sa usapin ng paninigarilyo.
Hindi na sorpresa para sa lahat na ang paninigarilyo ay walang naidudulot na maganda sa katawan ng tao.
Ang mas malala pa rito, naaapektuhan nito ang mga taong nakalalanghap ng usok, kahit pa hindi sila naninigarilyo.
Ngayong Mayo 31, 2026, ginugunita ng World Health Organization (WHO) ang No World Tobacco Day—na may temang “Unmasking the appeal - countering nicotine and tobacco addiction.”
Layon nitong ipakilala ang patuloy na kampanya ng ilang kompanya upang gumamit ng nicotine at tobacco sa pamamagitan ng reinvention at repackaging.
Sa usaping pangkalusugan, ano nga ba ang epekto ng tabako sa katawan ng tao?
Batay sa impormasyong inilatag ng WHO, ang tabako ay labis na nakakaadik, sapagkat ang mga produktong mayroon nito—gaya ng sigarilyo—ay nagdadala ng nicotine direkta sa utak.
Ang adiksyon sa nicotine ay nagreresulta sa labis na kagustuhang gumamit ng tabako—na siyang maituturing na isang “chronic medical condition.”
Gayong labis itong negatibo sa katawan, ano mga ba ang dapat gawin upang maiwasan ang adiksyon dito?
Base sa artikulong mababasa sa Mayo Clinic, may mga epektibong paraan upang maibsan ang labis na adiksyon sa paggamit ng tabako.
Planuhin ang mga “triggering reasons” ng pagtatabako
Upang maiwasan ang pagtatabako, mahalagang malaman kung ano ba ang mga dahilan kung bakit ito nakakaadik at patuloy itong nasa sistema ng katawan.
Matapos alamin ang mga ito, planuhing mabuti kung paano iiwasan ang mga naturang dahilan.
Mahalaga na maumpisahan ito at tiyak na darating ang panahon na makokontrol na ng isang tao ang katakot-takot na adiksyon sa tabako.
I-distract ang sarili upang makalimutan ang adiksyon
Hindi maikakailang mahirap pigilan ang ganitong uri ng problema, ngunit ito ay kayang labanan.
Anang source, nawawala naman daw agad ang “cravings” pagdating sa tabako sa loob lamang ng ilang minuto.
Sa pagkaka-distract o paggawa ng mga bagay na maaaring pagkaabalahan kaysa magtabako, patuloy na maiiwasan ang paggamit nito.
Humanap ng “healthier replacement”
Kung hindi maiiwasan, humanap ng isang pamalit na maaaring magamit upang manguya at maiwasan ang tobacco cravings.
Maaaring gumamit ng sugarless gums, raw carrots, o kaya naman ay nuts o sunflower seeds.
Huwag magpatalo sa cravings
Ang paglaban sa adiksyon sa tabako ay hindi lamang madadaan sa isang gabi.
Isa itong patunay na mahalaga ang “consistency” upang tuluyang mawaksi ang nasabing adiksyon.
Iwasang matukso sa muling paninigarilyo, sapagkat mahirap itong tanggalin sa sistema ng katawan.
Aralin ang ibang paraan upang makapag-relax
Kung itinuturing na pan-relax ang tabako, isang magandang paraan ay iwasan na ito.
Maraming paraan upang gawing relaxation maliban sa tabako.
Nariyan ang ilan gaya ng yoga, massage, meditation, o pakikinig sa nakakakalmang awitin.
Ang adiksyon sa tabako ay nararapat na puksain sapagkat malinaw na hindi lamang ito nakakaapekto sa buhay ng isang tao—bagkus damay pati ang tao sa paligid.
Mahirap man, patunay lamang ng mga pag-aaral na maraming paraan upang labanan ang tukso ng tabako.