SENTRO ng usapin ang basketball, boxing at chess sa mahalagang isyu na susuyurin sa “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ngayon sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
Ibibida nina Laguna Colleges and Univetsities Athletic Association (LACUAA) president Arnaldo M. Dilig ng San Sebastian-Canlubang at chairman Leonardo “Ding” Andres ang programa na inihanda sa opening ng ika-7 season ng liga sa Biyernes (Sept. 27) sa Dominican College gym sa Sta. Rosa City, Laguna.
Makikiisa rin sa lingguhang sports forum ganap na 10:00 ng umaga at sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR, Community Basketball Association at HG Guyabano Tea Leaf Drink si LACUAA vice-president Richard Penaranda at secretary-general Bernard P. Bergania.
Panauhin din sina newly-crowned Miss ISAA Suzette Anne Sablad ng Manila Tytana College at ISAA president Ruel dela Rosa.
Magbibigay din ng kanyang pananaw sa umuusbong na career si IBF minimumweight champion Pedro Taduran, gayundin ang nagbabalik na IM Angelo Young na nakatakdang sumabak sa FIDE World Seniors chess championship sa Bucharest, Romania sa Nov.11-24. Mapapanood ang ‘Usapang Sports’ sa Facebook live via Glitter Livestream.