Ibang usapan kung may kabig ng suwerte sa likas ang tapang at tibay ng loob. Ngunit, para kay Rey Suerte ng University of the East, magkahugpong ang dalawang katangian sa kanyang katauhan.
PInatunayan ni Suerte na karapat-dapat siya sa high-level collegiate league nang sandigan ang UE Warriors sa markadong panalo laban sa perennial title contender La Salle.
Sa kagitingan, tinanghal ang three-time champion at two-time MVP sa CESAFI league sa Cebu City bilang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps UAAP Player of the Week.
Sumambulat ang outside shooting ng 23-anyos tungo sa pagkopo ng season-high 31 puntos, tampoka ng krusyal na magkasunod na three-pointer, bukod sa pitong rebounds at tatlong assists, para sandigan ang UE sa manipis na 89-88 panalo sa UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.
“One word - Suerte. Swerte lang. It was a risk we took, but big-time players just make big-time plays,” pahayag ni UE active consultant Lawrence Chongson.
Naiiwan ang Warriors sa iskor na 83-85 may nalalabi na lamang 29.6 segundo sa laro bago sila isinalba ni Suerte.
“Kailangan namin manalo talaga kaya nasa isip ko kanina, positive lang at bawat bitaw ko, masu-shoot talaga,” ani Suerte.
“I just want to keep on pushing. Gusto kong matulungan yung mga bata sa team namin para in the future, madala nila yung team na ito sa other seasons,” matapos magposte ng average na 22.75 puntos sa loob ng 4 na laro.
Tinalo ni Suerte para sa lingguhang award sina UST super rookies Soulemane Chabi Yo at Rhenz Abando, Ateneo’s tower Angelo Kouame, at sina Bright Akhuetie at Kobe Paras ng University of the Philippines.
-Marivic Awitan