UNTI-UNTI pinatutunayan ni Allyn Bulanadi na siya na ang bagong lider ng koponan ng San Sebastian College.
Nagtala si Bulanadi ng kanyang career-high 32 puntos upang pamunuan ang Golden Stags tungo sa ikalimang sunod na panalo matapos gapiin ang College of St. Benilde, 83-67, nitong Huwebes sa NCAA Season 95 men’s basketball tournament.
Nagtala ng 11-of-21 shooting sa field na tinampukan ng limang triples, ini-reset ni Bulanadi ang kanyang naunang career-best na 31 puntos na ginawa niya sa kanilang 107-90 panalo kontra Perpetual noong nakaraang buwan.
Dahil dito, nahirang si Bulanadi bilang Chooks-to-Go Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week.
“Sa akin lang, nagpapasalamat ako kay coach Egay [Macaraya] at sa coaching staff dahil sa suporta nila ‘di lang sa akin kundi sa’ming lahat,” pahayag ni Bulanadi.
“Kailangan ko lang gampanan ‘yung role ko. ‘Yung trust na binigay nila sa’kin, kailangan ko lang suklian para rin sa kanila at para sa Baste,” dagdag nito.
Sinabi din ni Bulanadi na sisikapin nyang pamunuan ang Recto-based cagers na muling makabalik ng finals bago matapos ang kanyang collegiate career.
“Yung individual award, laging pangalawa lang ‘yan. ‘Yung goal talaga para sa’min is ‘yung championship,” sambit ng Season MVP contender.
Tinalo ni Bulanadi para sa lingguhang citation sina Noah Lugo ng Mapua, Donald Tankoua ng San Beda, at Reymar Caduyac ng Lyceum.
-Marivic Awitan