SA isang panayam kay Kathryn Bernardo nang dumalo silang dalawa ni Daniel Padilla sa Sine Sandaan event last Thursday, September 12, sa New Frontier Theater, naitanong sa aktres kung sino ang gusto niyang makapareha ni Daniel sakaling gumawa ito ng project na hindi sila magkasama?
Tugon ng aktres, “Personally, Sarah G,” mariin nitong sagot.
Sagot naman ni Daniel, habang nakikinig sa panayam, “Alam mo madali lang natin sabihin pero lahat tinatrabaho eh. Hindi naman siya basta-basta lang so ako naman tingnan natin kung sino ang magkatambal.”
Pangako naman ng magkasintahan sa kanilang supporters na may gagawin silang project na sila ang magkasama.
“Soon, babalik na soon so ngayon tine-take lang ‘yung konting break and may gagawin si DJ para sa kanya and then balik na tayo, so KathNiels malapit na, konting intay pa,”pangako pa ni Kathryn.
Sa box-office success with Hello, Love, Goodbye, sinabi ni Kathryn na ibinabahagi niya ang kanilang tagumpay kay Daniel na nagpakita ng suporta sa tambalang Kathryn-Alden..
“Ang swerte ko lang dahil meron akong napaka-supportive na boyfriend, supportive na pamilya and lahat ‘to sinabi ko sa interview, hindi ko magagawa kung hindi niya ako pinayagang gawin ito, so ‘yung oo niya malaking bagay sa akin and ngayon nangyayari lahat at lahat ng ‘to shine-share ko with DJ kasi kung anong nangyayari ngayon, ‘yun din ‘yung sa kanya, success namin ‘to pareho,” masayang sagot pa ni Kathryn.
-Ador V. Saluta