Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang inang umaabuso sa dalawa niyang menor de edad na mga anak na babae sa pamamagitan ng iba’t ibang online sexual activities kasama ang mga dayuhang kliyente.
Batay sa inilabas na ulat ng NBI nitong Martes, Hulyo 21, nagsimula ang kaso sa isang referral na natanggap nila mula sa US Department of Homeland Security Investigations (HSI) Manila noon pang Disyembre 1, 2025.
Sa pakikipagtulungan ng NBI sa HSI, GCash, Paypal, at Philippine Statistics Authority (PSA), gayundin sa pagsasagawa nila ng open-source intelligence, at pagmamatyag o surveillance, napatunayang ginamit umano ng ina ang mobile app na “WhatsApp” upang makipag-ugnayan sa mga dayuhang kliyente na mag-ayos ng mga sekswal at mapang-abusong gawain gamit ang mga menor de edad, na may kapalit na bayad.
Ibinahagi pa ng NBI na parte ng kanilang operasyon, sa pamamagitan ng live Zoom session na pinangasiwaan ng HSI, isang ahente ng NBI-Violence Against Women and Children Division (VAWCD) ang naging saksi sa pagtawag ng respondente sa WhatsApp video call kasama ang isang undercover agent ng HSI.
Sa tawag na ito, inalok umano ng ina ang online activities na kalimitang pinapagawa niya sa kaniyang mga anak kapalit ng bayad.
Batay sa mga nakalap na ebidensya, nag-apply at kumuha ang NBI ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) mula sa Regional Trial Court, Branch 113, Concepcion, Tarlac.
Pagdating naman ng Hulyo 14, 2026, isinagawa ng NBI-VAWCD ang isang entrapment at rescue operation, kasabay ang pagpapatupad ng WSSECD, sa tulong ng NBI-Digital Forensic and Laboratory Division (DFLD) at HSI.
Nasamsam ng mga awtoridad ang dalawang mobile phones, na isinailalim sa on-site digital forensic preservation bago ang buong forensic examination dito.
Habang ang nasagip na mga menor de edad ay inilipat sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa kanilang protective custody, medical examination, psychosocial intervention, at aftercare.
Hinggil naman sa nahuling ina, kahaharapin nito ang mga kasong paglabag sa RA No. 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act) at RA No. 9208, na inamyendahan ng Republic Acts Nos. 10364 at 11862 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act), na isinampa sa Provincial Prosecutor para sa inquest proceedings.