PATULOY ang paghahanda ng men’s water polo national team para sa pagsabak sa Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Bilang bahagi ng pagsasanay, sasabak ang Nationals sa FINA Water Polo Challengers’ Cup sa Oktubre sa Singapore.
Ayon kay coach Dale Evangelista, mismong ang FINA ang nagimbita sa Philippine Team para makilahok sa isa sa pinakamalaking water polo competition sa Asya.
“It’s a good opportunity for our national team, for the players to improve, get experience because the Challengers’ Cup gathers some of the best national teams,” pahayag ni Evangelista.
Ito ang ikalawang pagkakataon na lalahok ang Philippine Team sa torneo mula noong 2008 sa Kuwait kung saan tumapos ang Pinoy sa ikaapat na puwesto sa 12-team field.
Ang naturang torneo na kilala bilang FINA World Development Trophy ay nakatakda sa Oct. 8-13 at lalahukan ng bansang Portugal, Sweden, Czechoslovakia, Kuwait, Zimbabwe, Algeria, Morocco, Trinidad and Tobago, Uruguay, Costa Rica at host nation Singapore.
Ang Singapore ang reigning SEA Games champion. Mula nang maisama sa SEAG ang water polo noong 1965, nakamit ng Singapore ang ika-27 sunod na kampeonato.
Bago ang FINA World Challengers’ Cup, sasabak muna ang national team sa Malaysia Open sa Sept. 25 hanggang Oct. 1.
“We have two tough international tournaments for our national team, and it’ll definitely help our players improve not only on their individual skills, but the plays we’re trying to teach them,” pahayag ni Evangelista.
“We’re happy with the development of the team so far, particularly after our participation in the Asia Pacific Water Polo Championship in Hong Kong,” aniya. Waylon Galvez