NANG pumutok ang balitang sinibak na si Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon matapos siyang magkalat sa isinagawang Senate inquiry hinggil sa posibleng pag-abuso sa pagpapatupad sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law, ay agad naman na naging mainit na paksa sa social media kung sino ang ipapalit sa mababakanteng puwesto at pati na ang posibleng paglilipatan sa kanya.
“I decided late last night and my orders are one, that I am demanding the resignation of Faeldon immediately. Faeldon has to go because Faeldon disobeyed my order,” ang pahayag ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa press conference noong Miyerkules ng gabi.
Tingin ko asar-talo si Pangulong Duterte kay Mang Kanor (bansag kay Faeldon ng mga tagahanga niya) dahil medyo may katigasan ang ulo nito. Sa halip kasi na agad sundin ni Mang Kanor ang utos ng Pangulo ay nagbigay pa siya ng pahayag na salungat sa binitiwan na utos sa kanya ni Duterte.
Matindi kasi ang pagtuligsa ng mga kababayan natin sa napabalitang makalalaya na ang rapist at murderer na si dating Calauan Mayor Antonio “Ala akong alam di-yaan” Sanchez, kaya agad iniutos ni Pangulong Duterte kay Mang Kanor na ‘wag palayain ang mga preso na convicted ng mga “heinous crimes” na kagaya ng grupo ni Sanchez.
“Ang problema niya, kinabukasan, he came up with a statement with his own computation. Kung sinabi lang niya ang sinabi ko, eh di tapos na,” ani Duterte.
Ipinipilit kasi ni Mang Kanor na dadaan pa sa “recomputation” para malaman kung palalayain na ito base sa GCTA Law o mananatili sa loob ng National Bilibid Prisons (NBP) at ito ang ikinapundi sa kanya ni Duterte: “May apoy na nga eh. I was trying to find an extinguisher.”
Ano kaya itong “computation”na sinasabi ni Mang Kanor – ‘di naman siguro ito ‘yung katulad nung bukambibig na TARA na sumikat, dahil lumaki at dumami umano ito bago siya masibak bilang bossing ng Bureau of Customs (BoC)?
Ang mainit napinag-uusapan sa social media ay kung saan “itatapon” si Mang Kanor dahil sa kapalpakan nito sa BuCor.
Sagot ni Duterte:“Tanungin n’yo siya kung saan niya gusto pumunta -- kung sabi niya gusto niya palitan si Secretary Esperon, eh ‘di sabihin mo, ‘usap tayo!”
Ito naman ang pinakapatok sa aking nabasa social media: Sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na lang daw ilipat si Mang Kanor, kasi noong nasa BoC siya nawala yung P6.9 bilyon na shabu at ‘di na nakita. Nito namang nasa BuCor siya marami agad na nawalang mga preso na convicted ng “heinous crimes”. Kaya siguro kapag nasa MMDA na siya mawawala na rin ang trapik sa Metro Manila! Oh ‘di ba, malaki ang tama ng mga nagsulat nito!
Ngayong sibak na si Mang Kanor, sino naman kaya ang karapat dapat na iupo sa BuCor?
Ang unang inikutan ko para mahingian ng tapat na rekomendasyon, siyempre sino pa, eh ‘di ‘yung mga kaibigan ko na mga intel operative,alam ko kasing malaki ang pakinabang nila sa NBP kapag magaling ang pinuno ng BuCor.
Kadalasan kasi ay sa loob ng NBP sila nakakukuha ng mga impormasyon na nakatutulong sa pag-iimbestiga at paglutas sa mga malalaking krimen na naganap sa iba’t ibang panig sa bansa. Nagagawa nila ito kapag very cooperative at may dugong imbestigador ang hepe ng BuCor.
Ang gusto nilang lahat ay ibalik si KIDLAT sa BuCor – dahil noong ito ang nakaupo, ay sobrang na-professionalize umano ang pamamalakad sa lahat ng piitan sa buong bansa, kaya’t madali ang coordination nila sa ibang empleyado ng NBP. Nawala umano ang REDTAPE sa lahat ng transaksyon!
Si KIDLAT – ay si Atty Benjamin delos Santos, ang dating BuCor director general na nasuya at umalis dahil sa naramdaman niyang naipit siya sa mga hirit na pansariling kapakanan ng mga mas nakatataas sa kanyang opisyal sa administrasyong ito na may mga manok na interesado sa kanyang puwesto.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.