COMING of age movie ang G! na entry ng CineKo Productions sa 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino mula sa script ni Arlene Tamayo. Ayon sa direktor nito na si Dondon Santos, millennial term ang G! na nangangahulugan ng “game” o “go”.

Mapapanood sa G! ang grupo ng millennials na hahagilap ng sariling kahulugan ng buhay ng kanilang henerasyon sa pangunguna ni McCoy de Leon kasama sina Mark Oblea, Paolo Angeles at Jameson Blake.Main character ang campus figure na si Sam Corteza (McCoy), laki sa maginhawang buhay, team captain ng school football team, MVP, well loved ng mommy at barkada, may girlfriend na kasing sikat din niya, pero nagulat ang lahat nang himatayin sa isa nilang football. Malalaman kalaunan na may malaking tumor sa gallbladder si Sam.

Bumagsak ang mundo ni Sam pero mas pinili niyang gawing makulay ang mga nalalabing araw sa mundo.

Kasama ang barkada, umakyat sila ng Baguio para tuparin ang kanyang bucket list na maging lubos ang kaligayahan sa buhay -- road trip, skinny-dipping, magpalagay ng tattoo, malasing hanggang ‘di na makagulapay, at first sexual experience.

Boy Abunda, nagustuhan pahayag ni Anthony Jennings

Napapanood sa trailer ng G! na bumibili ng condom ang barkada, so tiyak na responsible ang handling ni Direk Dondon sa sexual awakening na isa sa mga central themes ng coming of age movie. Rated PG sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

“Malalim ang makukuhang lesson ng mga kabataan sa pelikula, hindi lang puro kalokohan,” wika ni Direk Dondon nang makaharap ng entertainment writers sa media conference ng G! sa Max’s Roces last Tuesday.

Naurirat siyempre sina McCoy, Jameson, Paulo at Mark kung “nabinyagan” na ba sila.“No,” maikling tugon ni Jameson.

“‘Pag sinabi ko bang hindi (pa), maniniwala kayo? Hindi na,” sagot ni Mark.“Siyempre parte ng pagiging lalaki ‘yan,” sey ni Paulo. “No, hindi na (virgin).”

Si McCoy ang pilyo: “After marriage po sana, eh. ‘Kaso hindi na umabot, ha-ha-ha! Share ko lang. Ako, mas older woman ‘yon, hindi ko akalain. Dapat after marriage dapat.”

May eksena silang apat na tumakbong hubo’t hubad sa loob ng isang hotel.Bukod sa maloko at nakakakiliting mga eksena, tatalakayin din ng G! ang buhay sa kabuuan, pamilya, friendship, at halaga ng pagmamahalan.

Mapapanood na simula September 13, kasama rin sa G! sina Rosanna Roces, Dominic Roque, Jao Mapa, Precious Lara Alcaraz, Roxanne Barcelo, Gio Alvarez, Kira Balinger, Moi Bien, Alona Sasam, Nick Parker, Patrick Sugui, at Joey Marquez.

Bagets ang naging iconic na coming of age movie noong aming panahon, baka ito naman ang maging sikat na pelikula para sa millennials.

-DINDO M. BALARES