HINDI kinakitaan ng championship hangover ang Reinforced Conference titlist Cignal HD Spikers matapos nilang walisin ang National College of Business and Arts Wildcats, 25-12, 25-14, 25-18, noong Linggo ng hapon sa 2019 Spikers’ Turf Open Conference sa Paco Arena.
Kahit hindi nakalaro sina AJ Pareja, Sandy Montero, at Peter Torres nagwagi pa rin ang HD Spikers kontra Wildcats.
Pinamunuan ni team captain Ysay Marasigan ang balanseng opensa ng Cignal sa itinala nitong 12 puntos katuwang si Vince Mangulabnan na nagposte ng 14 excellent sets at Manuel Sumanguid na may 11 excellent digs at 12 receptions.
Para naman sa NCBA na nalasap ang ikatlong sunod nilang pagkabigi, nanguna naman si McClane Rogel na may 7 puntos.
Sa third set lamang lumaro si Cignal ace spiker Marck Espejo dahil may iniinda pa itong right shoulder injury.
Hindi nakalaro si Pareja dahil nasa Surigao del Sur ito at lumahok sa BVR On Tour habang wala pang go signal si Montero para makalaro sa HD Spikers.
Nagpapagaling naman sa kanyang sakit na may kaugnayan sa kanyang baga si Torres.
Sa iba pang mga laro, nagsipagwagi din ang University of Perpetual Help System DALTA at PGJC-Philippine Navy.
Tinalo ng Altas para sa ikatlong dikit nilang panalo ang Philippine Army Troopers in three sets, 25-21, 25-22, 25-10, para manatiling namumuno sa Group C sa pangunguna ni Louie Ramirez na may 11 puntos.
Iginupo naman ng Sea Lions ang handed the Arellano University Chiefs 25-23, 25-21, 25-18, sa Group D sa pamumuno ni Greg Dolor na may 17 puntos.
-Marivic Awitan