Plano ng Department of Education (DepEd) na mag-isyu ng mga panuntunan para malimitahan o ma-regulate ang pagbibigay ng homework sa mga estudyante tuwing weekdays.
Ang pahayag ay ginawa ni Education Secretary Leonor Briones kasunod ng ‘no homework bill’ na nakabimbin sa Kongreso. Isinusulong ng panukala ang pagbabawal sa mga estudyante, mula kindergarten at high school, na bigyan ng homework.
Ayon kay Briones, isinasapinal pa nila ang naturang panuntunan para kanya nang malagdaan.
Gayunman, isasaad aniya nila sa naturang panuntunan kung ilang homework lamang ang maaaring ibigay ng mga guro sa mga mag-aaral, gayundin ang mga asignaturang kabilang dito at kung sino ang mga estudyanteng masasakop ng naturang polisiya.
Ipaaalala rin umano ng DepEd sa polisiya ang DepEd Memorandum No. 392 (series of 2010) na nagbabawal sa pagbibigay ng homework o assignments sa mga estudyante tuwing weekends, na naglalayong masulit ng mga mag-aaral ang pahinga at pagiging bata, at upang magkaroon ng pagkakataong makasama ang kanilang mga magulang nang walang inaalalang homework.
“Right now, we are discouraging homework during weekends, but we need to issue a new directive, pending the approval of the bills, that will regulate or limit the homework given on weekdays,” paliwanag ng kalihim.
Matatandaang una nang sinabi ni Briones na pabor siya sa ‘no homework bill’, na nakabimbin sa Kongreso dahil wala namang garantiya na ang mga bata mismo ang gumagawa nito.
Masyado na kasi aniyang mahirap ang curriculum at napakaraming asignatura at mga school activities para sa mga bata, kaya hindi na dapat dagdagan pa ang kanilang alalahanin sa pamamagitan ng pagpapauwi ng mga homework.
Naniniwala rin si Briones na dapat bigyan ang mga bata ng pagkakataong magkaroon ng quality time sa kanilang mga magulang at mga kaibigan sa kanilang pag-uwi sa tahanan.
-Mary Ann Santiago