WINALIS ng PLDT Home Fibr ang nakatunggaling San Sebastian College, 25-15, 25-21, 25-21, bilang panimula ng kanilang kampanya sa Group C ng Spikers’ Turf Open Conference sa Paco Arena nitong Linggo.

Ayon kay PLDT head coach Odjie Mamon,marami pa silang kailangang ayusin sa team partikular ang kanilang chemistry kasama ng bagong miyembro nilang si Kim Dayandante.

“We still have to work on ano, doon sa changes sa line-up namin. ‘Yun nga, we have to work on doon sa pag jell niya [Dayandante] doon sa ibang players,” pahayag ni Mamon.

Nanguna para sa nasabing panalo si Mark Alfafara na nagposte ng 11 puntos para sa Power Hitters.

National

Usec Castro, binoldyak ni Maharlika sa 'pa-travel-travel lang' si VP Sara

Nakatuwang naman niya para sa kanilang opensa si Ronchette Villegas na nagtala ng 12 excellent sets habang si Rence Melgar ang sinandigan nila sa depensa sa itinala nitong 22 excellent receptions.

Sa iba pang laro, nagsipagwagi din ang Arellano University Chiefs at ang Emilio Aguinaldo College Generals.

Giniyahan ni Christian Dela Paz ang Arellano Chiefs kontra University of Sto. Tomas Tiger Spikers , 20-25, 28-26, 23-25, 25-22, 16-14, para sa una nilang panalo sa Group D.

Nagposte si Dela Paz ng 19 puntos bukod pa sa tig-8 excellent digs at receptions para sa nasabing panalo ng Chiefs.

Nakabawi naman mula sa kabiguan nila noong opening day sa kamay ng Adamson ang Generals matapos pataubin ang National College of Business and Arts Wildcats, 25-15, 25-18, 25-17.

-Marivic Awitan