MAKALAPIT sa target na first round sweep ang tatangkain ng reigning three-peat titlist San Beda University sa pagsagupa sa College of St Benilde ngayon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament.
Magtutuos ang dalawang koponan na kasalukuyang nasa 1-2 spots ng team standings sa unang laro ngayong 12:00 ng tanghali sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Hindi pa natatalo matapos ang una nilang pitong laban ang Red Lions at dalawang laro na lamang ang kailangan nilang bunuin kabilang na ang salpukan nila ngayon ng Blazers upang ganap na mawalis ang first round.
Nasa likod naman nila ang St.Benilde na may markang 5-1.
Ang nag-iisang talo nila ay galing sa kamay ng Lyceum of the Philippines University na sya namang huling tinalo ng San Beda para sa ikapitong sunod nilang panalo noong nakaraang Martes sa iskor na 88-73.
Sakaling manaig kontra St.Benilde, ang Mapua na lamang na nakatakda nilang makaharap sa darating na Martes ang natitirang hadlang para sa San Beda upang tuluyang makumpleto ang first round sweep.
Sa ikalawang laro, tatangkain naman ng San Sebastian College na makadikit sa Letran sa third spot sa pagsagupa nila sa University of Perpetual Help sa ikalawang laro ganap na 2:00 ng hapon.
Magkasunod ngayon sa 3-4 na posisyon ang Knights at ang Stags taglay ang kartadang 5-3 at 3-3, panalo-talo ayon sa pagkakasunod habang nasa likuran nila ang Altas na may baraha namang 3-5, kasalo ng Cardinals at ng Jose Rizal University Heavy Bombers.
Kababalik pa lamang parehas ng dalawang koponan sa winning track noong Martes, ang Altas kontra Emilio Aguinaldo College Generals,88-87, matapos ang tambak na pagkatalong nalasap sa San Beda na naging dahilan ng pagbaba ng head coach nilang si Frankie Lim sa puwesto at ang San Sebastian kontra naman sa Letran, 102-101 sa overtime na pumutol sa kinasadlakan nilang 3-game losing skid.
-Marivic Awitan
Standings W L
San Beda 7 0
CSB 5 1
LPU 6 2
Letran 5 3
SSC-R 3 3
Mapua 3 5
JRU 3 5
Perpetual 3 5
Arellano 1 6
EAC 1 7
Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
12 noon – San Beda vs CSB (M)
2 p.m. – SSC-R vs Perpetual (M)
4 p.m. – Arellano vs LPU (M)